BOC OFFICIAL AT MGA TAUHAN NA SABIT SA SMUGGLING PINAKAKALOS SA MALAKANYANG

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

INIHIRIT na sa Malacañang ang imbestigasyon sa patuloy na smuggling at talamak na korupsyon sa Bureau of Customs (BOC). At kung totoo ang mga sumbong ng mismong mga taong nasa loob ng sistema—importers, exporters, at brokers—hindi na ito simpleng anomalya, kundi isang lantad na sindikatong dapat nang durugin.

Ayon sa ilang insiders sa Aduana, sobra na umano ang panggigipit ng isang “tiktik” na opisyal ng BOC na humahawak sa isang sensitibong posisyon. Hindi pa muna pinangalanan ang naturang opisyal, pero malinaw ang alegasyon na simula nang maitalaga siya noong Hunyo ngayong taon, mas lalo umanong lumaganap ang smuggling. Pasok dito ang agricultural products, sigarilyo, electronic at vape products, fuel, motor vehicles, at iba pang basic commodities—lahat umano ay malayang nakapapasok. Imbes na pigilan, tila binuksan pa ang gripo.

Sa sumbong ng mga stakeholder, isang Field Station sa isang pantalan sa Maynila ang nagsisilbing kolektor ng pera kapalit ng illegal entry ng sigarilyo, e-cigarettes, at general merchandise. Dahil dito, ang naturang pantalan ay naging sentro umano o focal point ng ilegal na kalakalan.

Mas mabigat pa: isang Kapitan ng barangay daw sa Muntinlupa na ilang dekada nang inuugnay sa smuggling ang sinasabing kasabwat ng BOC official. Noong 2022 pa, nabanggit na raw ang pangalan ng Kapitan sa isang Senate report bilang major agricultural smuggler na nag-ooperate sa Subic, MICP, Port of Manila, Batangas, at Cebu. Ayon sa mga source, siya ang umaaktong kolektor.

Idinadawit din ang isa pang dating Kapitan na dating nakatalaga sa Coast Guard Intelligence Force at Task Force Aduana. Matagal na rin umano itong nasangkot sa pagkolekta ng “tara” mula sa importers at brokers. Kahit nailipat na sa ibang Coast Guard base, nagpapatuloy pa rin umano ang operasyon sa fuel at tobacco smuggling dahil sa malapit na ugnayan nila sa nasabing BOC official.

Ang resulta? Bagsak ang koleksyon ng gobyerno. Ayon sa grupo, bumaba ang revenue collections sa maraming pantalan gaya ng Batangas, Subic, Surigao, MICP, Zamboanga, Cagayan de Oro, Davao, Iloilo, at mismong Port of Manila.

Kaya malinaw ang panawagan na agad aksyunan ni Pangulong Bongbong Marcos ang usapin. Ipag-utos ang malalim at walang kinikilingang imbestigasyon. Ipatupad ang preventive suspension sa mga sangkot habang isinasagawa ang pagsisiyasat. At kung mapatunayang may sala ay tiyaking maisasampa ang mga kasong administratibo at kriminal laban sa mga ito.

Kasabay nito, kailangan ang masusing audit at review ng revenue performance, enforcement actions, at container profiling sa mga tinuturong pantalan.

Hindi ito simpleng isyu ng kita. Usapin ito ng pambansang seguridad, integridad ng gobyerno, at hustisya para sa taumbayan.

106

Related posts

Leave a Comment