ISA ang nasawi habang kritikal ang isa pa matapos masabugan ng inipong mga paputok ang dalawang menor de edad sa Tondo, Maynila noong Linggo ng gabi.
Kinilala ang nasawi bilang isang 12-anyos na estudyante, habang ang isa pang menor de edad na kasama nito ay agad isinugod sa ospital para sa agarang gamutan. Kapwa residente ang mga biktima ng Almeda Street, Tondo.
Batay sa imbestigasyon, napansin umano ng isang tricycle driver ang dalawang bata na nakaupo sa gilid ng kalsada at may hawak na malaking triangulo. Ilang minuto ang lumipas, isang malakas na pagsabog ang kanyang narinig.
Pagdating ng mga awtoridad sa lugar, nadatnan ang isa sa mga biktima na wala nang buhay at nawasak ang mga paa dahil sa lakas ng pagsabog ng mga pinulot at inipong paputok.
Agad namang rumesponde ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) at nagbigay ng tulong sa pamilya ng mga biktima. Kabilang dito ang pag-alalay sa gastusin sa paglilibing ng nasawi at suporta sa batang kasalukuyang naka-confine sa ospital.
Nagpaalala ang MDSW sa publiko, lalo na sa mga kabataan, na umiwas sa paggamit ng paputok dahil sa matinding panganib nito sa kalusugan at kaligtasan. Hinikayat din ang mga magulang at barangay officials na magtulungan upang maiwasan ang kahalintulad na insidente ngayong papalapit ang Bagong Taon.
(JOCELYN DOMENDEN)
113 