CAVITE – Patay ang isang lalaki makaraang barilin ng isa sa magkapatid matapos magsumbong ang nakababatang kapatid na kinuyog siya ng ilang residente kabilang ang biktima, dahil sa paratang na pagnanakaw sa Dasmariñas City noong Linggo ng gabi.
Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si alyas “Max”, nasa hustong edad, ng Barangay Burol 1, Dasmariñas City, Cavite dahil sa tama ng bala sa mukha.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang magkapatid na sina alyas “Topher”, 22, at “Ericson”, nasa hustong edad, kapwa residente ng Barangay Burol 1, Dasmariñas City, tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa ulat, bandang alas-6:45 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Phase 3, Barangay Burol 1, Dasmariñas City.
Bago ang insidente, nagkaroon ng komosyon sa lugar kung saan pinagtulungan umanong bugbugin ng mga residente si alyas “Topher” dahil sa paratang na pagnanakaw. Kabilang umano sa bumugbog kay Topher ang biktimang si Max.
Matapos ang komosyon, isinumbong ni Topher sa kanyang kapatid na si Ericson ang nangyari kaya hinanap nila ang biktima at nang makita ay walang sabi-sabing binaril ni Ericson sa mukha na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.
(SIGFRED ADSUARA)
69
