TARGET ni KA REX CAYANONG
MALINAW na ang pagdiriwang ng Araw ng Biñan at ika-16 na Cityhood Anniversary ay hindi lang basta selebrasyon kundi isa itong paalala kung gaano na kalayo ang narating ng lungsod at kung gaano pa kalayo ang maaari nitong marating.
Mula sa banal na misa hanggang sa makulay na Opening Ceremony at Grand People’s Parade, ramdam ang saya, pagkakaisa, at pagmamalaki ng bawat Biñanense sa kanilang pinanggalingan at kinabukasan.
Ang parada at mga aktibidad ay naging buhay na patunay na ang kultura, kasaysayan, at sipag ng mamamayan ang tunay na lakas ng Biñan.
Kasama ang mga kawani ng lokal na pamahalaan, paaralan, at sektor ng negosyo, ipinakita na kapag sama-sama, mas nagiging makabuluhan ang pag-unlad.
Hindi lang ito paggunita sa nakaraan. Ito ay selebrasyon ng patuloy na pagkilos pasulong.
Lalong naging makahulugan ang gabi sa pagbibigay-parangal sa mga huwarang lingkod-bayan sa kauna-unahang GEL Awards.
Siyempre, ang pagkilalang ito ay hindi lamang tropeo, kundi pasasalamat sa mga taong tahimik ngunit tapat na naglilingkod.
Dagdag pa rito, kapansin-pansin ang patuloy na impluwensiya ng pamana ng pamumuno ng pamilya Alonte sa pag-unlad ng lungsod. Ang presensya at suporta ni former Congresswoman Len Alonte sa pagdiriwang ay sumisimbolo ng tuloy-tuloy na malasakit at masayang pakikibahagi sa bawat yugto ng paglago ng Biñan.
Sa mga nagdaang taon, naging mahalagang bahagi ang kanyang adbokasiya sa pagpapatatag ng mga programang pangkaunlaran at serbisyong tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Hindi maikakaila na ang mga pundasyong inilatag ng mga lider na may malinaw na bisyon—kabilang si Len Alonte—ang nagsilbing matibay na sandigan ng kasalukuyang kaunlaran ng lungsod.
Ang ganitong uri ng pagkakaisa ng mga lider, noon at ngayon, ang nagbibigay-lakas sa Biñan upang magpatuloy bilang isang lungsod na may direksyon, malasakit, at tunay na naglilingkod sa kapakanan ng bawat Biñanense.
At sa ganitong mga hakbang, mas pinagtitibay ang isang Biñan na may malasakit, may direksyon, at may puso para sa bawat mamamayan.
Mabuhay ang Lungsod ng Biñan!
64 