QC DIST. 5 BRGY. CHAIRMAN, NAKIKIALAM SA HOA ELECTION?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAKARATING sa aking kaalaman na isang barangay chairman sa District 5 ng Quezon City, ang ngayon pa lang ay namumulitika na sa mga residente sa lugar.

Pati ba naman ang eleksyon ng Homeowner Association (HOA) sa subdibisyon na malapit sa isang mall sa nasabing distrito, ay pinakikialaman ni Kapitan.

Bumuo itong si Kapitan ng grupo o Homeowner Association para banggain o labanan ang kasalukuyang HOA officers ng subdibisyon.

Ayon sa source, isasagawa ang eleksyon ng HOA ng nabanggit na subdibisyon sa Mayo 10, 2026.

Ang ginagawang ito ni Kapitan ay kinokondena ng kasalukuyang HOA officers dahil sa pakikialaman nito sa pribadong usapin ng samahan ng kanilang subdibisyon.

Ayon sa mga residente, hindi tama at delikado kapag nakikialam o nag-eendorso ang isang public official sa HOA election.

Bagama’t maaaring tingnan ito ng ilan bilang simpleng suporta, hindi maikakaila na may malaking impluwensiya ang mga politiko sa isip ng mga tao — lalo na sa mga botanteng madaling maapektuhan ng pangalan at posisyon ng isang opisyal.

Kapag may inendorso ang isang public official, nagkakaroon agad ng impresyon na may “basbas, proteksyon o espesyal na koneksyon” ang mga kandidatong iyon.

Dito nawawala ang tunay na essence ng HOA election na dapat ay patas, independent, at nakabase lamang sa kakayahan at serbisyo ng mga kandidato.

Mas nakababahala kung mananalo ang mga kandidatong hayagang sinuportahan ng isang public official. Maaaring magkaroon ng pagdududa ang mga residente kung magiging patas pa ba ang pamamalakad o kung magkakaroon ng impluwensiyang politikal sa mga desisyon ng HOA.

Posible ring isipin ng ilan na may “utang na loob” ang mga nanalong kandidato sa opisyal na nag-endorso sa kanila, na maaaring makaapekto sa kanilang pagiging independent bilang lider ng homeowners’ association.

Sa ganitong sitwasyon, may panganib na ang HOA ay hindi na tuluyang makapagdesisyon para sa kapakanan ng homeowners kundi maaaring maimpluwensyahan ng interes o kagustuhan ng mga taong nasa pulitika.

Ang isang HOA ay dapat pinamumunuan ng mga lider na may malayang pagdedesisyon at walang kinikilingang impluwensiya mula sa labas, partikular ang tao na nasa pulitika.

Maaari rin itong magdulot ng pagkakawatak-watak ng komunidad. Sa halip na mapag-isa ang mga residente pagkatapos ng eleksyon, magiging sanhi ito ng duda, tensyon, at usapin ng paboritismo.

Ang ibang homeowners ay maaaring makaramdam na hindi naging patas ang laban dahil may “makapangyarihang” personalidad na nakisangkot sa proseso.

Dapat tandaan na ang HOA election ay internal na usapin ng homeowners at hindi arena ng pulitika. Ang public officials ay dapat manatiling neutral at irespeto ang kakayahan ng mga residente na pumili ng kanilang mga lider nang walang impluwensiya, pressure, o pagdidikta mula sa mga taong may kapangyarihan sa gobyerno.

Sa huli, ang tunay na lider ay hindi kailangang buhatin ng pangalan ng politiko. Ang tiwala ng homeowners ay dapat nakukuha sa gawa, integridad, at tunay na serbisyo sa komunidad.

Ang payo natin sa mga residente ng subdibisyon ay huwag nyong iboto si Kapitan sa darating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong Nobyembre 2026.

Ginagamit lang kayo nito para manatili siya sa kanyang pwesto at ‘pag nakaupo na siya ay wala na siyang pakialam sa inyo, basta siya puro personal interest lang ang kanyang iniisip.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

111

Related posts

Leave a Comment