TAX RECORDS NI VP SARA MANANATILING SELYADO

NAGPASYA ang House Committee on Justice na panatilihing selyado ang kahon ng tax records ni Vice President Sara Duterte at kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Sa botong 38-6, inaprubahan ng komite ang mosyon na isama ang selyadong kahon sa opisyal na records at ipadala ito sa Senate of the Philippines kung sakaling umusad ang impeachment trial.

Ang kahon ay naglalaman ng mga dokumentong isinumite ng Bureau of Internal Revenue noong Abril 22 bilang tugon sa subpoena ng Kamara kaugnay ng mga alegasyon laban sa Bise Presidente.

Ayon kay Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., sapat na ang mga naunang ebidensya para sa determination of probable cause at mas mainam na Senado na ang magbukas ng kahon sa tamang panahon ng paglilitis.

Mariing tinutulan ito ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, na iginiit na mas mataas ang kapangyarihan ng impeachment proceedings kaysa sa mga probisyon ng tax code.

Sumang-ayon naman si Akbayan Rep. Chel Diokno na sapat na ang kasalukuyang ebidensya upang makapagpasya kahit hindi buksan ang kahon.

Sa kabila nito, nangibabaw ang pag-iingat ng komite upang maiwasan ang posibleng pagkuwestiyon sa proseso na maaaring magdulot ng pagkaantala sa kaso.

(TINA MENDOZA)

73

Related posts

Leave a Comment