CLICKBAIT ni JO BARLIZO
ISA sa mga paboritong upakan ngayon ng mga netizen itong si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa dahil sa kanyang pagiging absenero. Suki na nga siya kung tutuusin dahil maya’t maya napapansin siya bagaman hindi siya visible sa Senado.
Kaya madalas ding maitanong kung bakit hindi siya pwedeng disiplinahin ng kanyang mga kasama. Malambot daw ang Senado at hindi ubra sa matigas na ‘bato’.
Nakikita na ng publiko ang problema, hindi lang sa pag-absent ng senador kundi ang kabiguan ng Senado pagdating sa pagdidisiplina sa sarili nitong miyembro.
Ang latest, kinokunsidera na raw ni Dela Rosa ang mungkahi na huwag muna tumanggap ng sahod at allowances habang hindi niya nagagampanan ang tungkulin na personal na mag-report sa trabaho. Pero bakit kailangang umabot pa sa puntong ito? Bakit kailangang umasa sa boluntaryong hakbang kung malinaw na ang prinsipyo ng “no work, no pay” ay matagal nang umiiral sa karaniwang manggagawang Pilipino? Kung ang isang empleyado ay hindi papasok nang matagal, hindi lang sahod ang mawawala sa kanya, malamang matanggal siya sa trabaho. Sa Senado, dinadaan sa pakiusapan kaya hindi mo masisisi kung madismaya ang taumbayan.
Hindi rin nakatutulong ang pahayag ni Sen. JV Ejercito na aabutin ng mahabang panahon kung susundin ang proseso sa inihaing reklamo, o ang pag-amin ni Senate President Tito Sotto III na wala pang malinaw na panuntunan para pilitin ang pagpasok ng mga senador. Kung ganito, malinaw na hindi lang si Dela Rosa ang may problema kundi mismong institusyon na ang may kakulangan.
Mas nakababahala ang posibilidad na maibasura pa ang ethics complaint laban kay Dela Rosa dahil lamang sa teknikalidad o kakulangan sa rules. Sa halip na harapin ang esensya ng reklamo na umano’y pagpapabaya sa tungkulin, tila nagiging ligtas na kublihan ngayon ang mga butas sa panuntunan. Para bang mas mahalaga ang proseso kaysa pananagutan.
Kailangan pa bang ipaalala na ang sahod, allowances, at lahat ng benepisyo ng mga senador ay nagmumula sa buwis ng mamamayan? Huwag sana nilang abusuhin ang tiwalang ibinigay sa kanila.
Huwag nilang hintaying maubos ang pasensya ng taumbayan sa tuwing nakikita na tila walang agarang aksyon laban sa mga hindi tumutupad sa tungkulin.
Kung talagang seryoso ang Senado sa pagiging institusyong may integridad, hindi sapat ang mga panawagang boluntaryo. Kailangan ng malinaw, matibay, at agarang panuntunan na magpapatunay na walang sinoman, maging senador ‘yan, ang higit sa accountability.
Kumilos na sila para maiwasan ang ganitong pangyayari sa susunod. Kung ang ordinaryong Pilipino ay inaasahang sumunod sa batas at panuntunan, bakit bibigyan ng espesyal na konsiderasyon ang mga mambabatas?
Panahon na marahil na mahiya ang Senado sa mismong taumbayang nagpapasweldo sa kanila.
101 