AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
HALOS masakal na sa sobrang paghihigpit ng sinturon ang mga Pilipino dahil sa epekto ng korupsyon na sinundan pa ng krisis sa langis dulot ng giyera sa Gitnang Silangan.
Hindi tayo naniniwala na walang pera ang gobyerno para magamit sanang pang-ayuda sa mga direktang apektado ng krisis sa langis.
Nasaksihan natin ‘yan noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ay nagkaroon ng COVID-19 pandemic. Marami pa siyang nagawang proyekto sa ilalim ng kanyang programang Build, Build, Build (BBB).
Sa ilalim ng programang ito ay maraming mga kalsada, tulay, airport ang nagawa at ang pinakahuling natapos ay ang tulay sa Davao City na pinondohan ng bansang China, na naging kontrobersyal pa dahil may mga lumabas na isyu na kaya raw ito nagawa ay dahil sa pagsisikap ng kasalukuyang administrasyon.
Kahit na inatake ng COVID-19 pandemic ang bansa ay hindi naging problema ng dating Pangulong Duterte kung saan niya huhugutin ang pondo na gagamitin sa ayuda at pambili ng gamot para sa bakuna ng mahigit sa isang daang milyong Pilipino.
Naitaas ang suweldo ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at iba pang men in uniform at nakabili ng iba’t ibang kagamitan ang militar.
Hindi rin pinabayaan ng admin ni FPRRD ang sektor ng kalusugan dahil mismong ang Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila ay binigyan niya ng malaking pondo para sa mga may cancer na pasyente.
Nagpatupad ng total lockdown ang buong bansa dahil sa COVID-19 pandemic pero hindi nakaramdam ng sobrang hirap ang mga Pilipino.
Bagama’t hindi nakapapasok sa trabaho ang mga manggagawa, empleyado ng pampubliko at pribadong opisina ay hindi masyadong ramdam ng mga Pilipino ang kahirapan dahil sa walang patid na suporta ng pamahalaan.
Sa panahon na iyon lahat ng mga opisina ng gobyerno ay naging bukas para sa pagtulong sa pangangailangan ng mamamayan.
Sa kasalukuyang administrasyon, imbes na sabihin ang totoong sitwasyon sa epekto ng giyera sa Gitnang Silangan ay sinabi pa ni Usec. Claire Castro na walang krisis sa langis ang bansa.
Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit napakabagal nilang umaksyon lalo sa usapin ng overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa giyera sa Middle East.
Kung hindi nagalit si Senator Loren Legarda sa pagdinig sa Senado sa kabagalan ng aksyon ng kasalukuyang administrasyon sa krisis sa langis, ay hindi pa magdedeklara ng State of National Energy Emergency.
Gusto ko na tuloy maniwala sa sinabi dating ni Pangulong Duterte na “weak leader” si PBBM.
Bakit kamo? Sa State of the Nation Address (SONA) ni PBBM noong 2024, sinabi niyang may 5,500 flood control projects ang natapos ng kanyang administrasyon, nabuking na ito ay hindi totoo nang tumama ang mga kalamidad dahil binaha ang iba’t ibang lugar ng bansa.
Hinanap ng taumbayan kung nasaan ang ipinagmamalaki ni PBBM na flood control projects, subalit wala siyang naipakita.
Dahil dito, nagsagawa siya ng inspeksyon sa iba’t ibang probinsiya at natuklasan niya mismo ang mga substandard at guni-guning flood control projects.
Kaya naman nitong nakaraang July 2025 sa kanyang panibagong SONA, sinabi niyang “Mahiya naman kayo” na kinontra naman ni dating Ilocos Sur Governor Chavit SIngson na dapat sinabi niyang “Mahiya naman tayo” dahil siya mismo (PBBM) ang sinasabi ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na mastermind sa nangyayaring korupsyon sa pamahalaan.
Ngayon, imbes na masolusyunan ang problemang kinahaharap sa krisis sa langis ay puro pagtatakip sa totoong sitwasyon ang ginagawa ng pamahalaan na nagiging dahilan ng lalo pang pag-alala ng mga Pilipino.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
68 