2 RIDERS PATAY SA PASKO NG PAGKABUHAY

DALAWANG motorcycle riders ang namatay nitong Pasko ng Pagkabuhay kasunod ng karambola ng mga sasakyan na ikinasugat din ng siyam na iba pa, kabilang ang driver ng isang Sports Utility Vehicle (SUV), sa Barangay Gongogong, San Ildefonso, Ilocos Sur.

Batay sa paunang imbestigasyon, isang northbound na Ford Everest na minamaneho ng 23-taong-gulang na lalaki mula Barangay Vacunero, Santo Domingo, Ilocos Sur, ang lumihis sa kabilang linya habang sinusubukang mag-overtake sa sasakyang nasa unahan niya.

Hinihinalang nag-alanganin ito at bumangga sa limang southbound o kasalubong na motorsiklo bandang alas-3 ng madaling araw, Easter Sunday, Abril 5, 2026.

Nabangga ng SUV ang tatlong Honda Click 125, isang Yamaha NMAX, at isang Yamaha Mio 110. Ang mga driver at back riders ay pawang residente ng Barangay Tambo Malaki, Indang, Cavite.

Agad na dinala sa ospital ang mga sugatang motorcycle riders at pasahero subalit dalawa sa kanila na sakay Yamaha Mio 110, ang nasawi.

Pawang wasak ang mga motorsiklo at maging ang Ford Everest nang datnan ng nagrespondeng mga kagawad ng San Ildefonso Municipal Police Station at Bureau of Fire Protection.

Sinasabing magpositibo sa alak ang sugatang driver ng SUV, ayon sa mga awtoridad.

“All vehicles involved are under police custody. Follow-up investigation is ongoing,” ayon pa sa ulat.

(JESSE RUIZ)

87

Related posts

Leave a Comment