KUNG NAGAWA NI LKY SA SINGAPORE, BAKIT HINDI NAGAWA SA PILIPINAS?

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

SA kabila ng mga pagpaslang sa ilan sa mga kapatid natin sa hanapbuhay noon at ngayon sa panahon ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nananatili pa ring maalab, masigla ang tapang ng marami sa mga mamamahayag sa pagbatikos sa maraming kabulukan ng gobyerno at mga pribadong tao o kompanya na nagpapahirap sa taumbayan.

Maraming grupo ng mga mamamahayag ang nagsabi na napakaliit na porsyento lang ang nahatulan sa mga suspek sa pagpatay sa mga mamamahayag.

May paniniwala naman na marami sa mga pagpatay sa mga journalist ay hindi dahil lang sa may inupakan o may kaugnayan sa trabaho, anila, posibleng may mga personal na dahilan.

Bagaman, marami sa pagpatay na naisampa sa hukuman ay makikitang may kinalaman nga sa trabaho ng kapwa natin mamamahayag na biktima ng kalupitan ng mga politiko o mga taong may kapangyarihan sa gobyerno.

Dahil sa ganitong sitwasyon, nagiging mahirap, matagal ang paghahanap ng katarungan para sa mga biktima at sa kanilang pamilya.

Kaya uulitin ko at ilang ulit ko nang tinalakay ito, dear readers, sa mga igan natin na nagtanong, hindi para sa mahihina ang puso, walang matatag na tibay ng kalooban at tapang, ang propesyon ng pamamahayag.

At ika ko, kaya may nangyayaring ganoong pananakot at kaso ng pagpatay ay mayroon kasing ilang mga kapatid sa propesyon na hindi propesyonal, masasabing abusado nga at hindi batid o walang pakialam sa kakabit na responsibilidad sa paghahayag ng opinyon at pagbabalita.

‘Yung iba kasi sabi ko ay iresponsable talaga, hindi parehas at mahilig pang gamitin ang power of the press sa katiwalian.

Banat na lang kasi nang banat, kahit alam na hindi totoo, kasinungalingan ang isinusulat, at ang paniniwala sa sarili, sila ay may kapangyarihang itaas at ibagsak ang dangal at integridad ng biktima ng iresponsableng pamamahayag.

Sa mga nakausap ko, na ‘old timers’ nananatili pa rin ang freedom of the press, of expression sa bansa, at naaabuso pa nga ang kalayaang ito.

Tanging sa panahon ng martial law noong 1972, sabi ng old guardians of the press, nakaranas sila ng pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag.

Siyempre, kung masyado kang kritikal sa gobyerno at nagkakalat ng kasinungalingan ang isang print at broadcast media, may karapatan ang estado na ipagtanggol ang sarili nito sa mga tao o pangkat na nais itong siraan at ibagsak.

***

Bakit nga naman ‘di na gawing non-bailable ang kasong economic sabotage, perpetual life imprisonment at multang hindi bababa sa P100 milyon, ang penalty o multa sa mapatutunayang guilty sa krimeng ito?

Kamay na bakal na po ang gamitin, Mahal na Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa mga nananabotahe ng ekonomiya ng bansa.

Noong panahon ng yumaong si Mr. Lee Kuan Yew (LKY), ang ama ng Singapore, na dahil sa kamay na bakal na pamamahalang ipinairal niya, mula sa pagiging 3rd world ay naging 1st world country ang kanyang bansa.

Kung ikukumpara nga naman ang Pilipinas sa Singapore, wala itong sinabi kung natural resources ang pag-uusapan: wala ito ng napakayamang lupang sakahan, walang tubig irigasyon at mayamang tubig dagat na tulad na mayroon tayo.

Noon, mas maunlad tayo sa Singapore nang matapos ang World War II at tayo noon ang isa sa pinakamalakas na ekonomya sa Far East, pero ngayon, kulelat na tayo at nakalulungkot aminin, ito ay sa kabila na ipinagmamalaki natin na tayo ay isa sa magandang ehemplo ng isang demokratikong bansa.

Si Mr. Lee, ang tinaguriang Southeast Asia’s miracle man — na tinangka na tularan ng maraming lider ng bansa sa Asia, tulad ni Indonesian Presidents Sukarno; nina Tunku Abdul Rahman, Abdul Razak, Hussein Onin at Mahathir ng Malaysia, at ng tatay ni PBBM, dating Pres. Ferdinand “Macoy” Marcos.

Pinangarap din ito ng ina ng demokrasya raw, na si Tita Cory Aquino at ng mga sumunod sa kanya, pero pawang nabigo, kaya eto tayo ngayon, kung sa karera, kulelat at huli sa finish line.

Ito ang katotohanan, ayaw man nating tanggapin.

Kamay na bakal, mahigpit na disiplina at matinding patriyotismo ang nag-angat sa Singapore sa kinalalagyan nito bilang isa sa pinakamalaking Finance Center ng Asia at ng mundo.

Sa loob ng mahigit 30 taon mula Agosto 1965, nang maging malayang bansa ang Singapore, gamit ang malakas na liderato, ‘di matitinag na political will, pagtitipid, paggawa ng tamang batas, patakaran at totohanang pag-aalis ng mga mali at bulok na patakaran sa burukrasya, nagtagumpay si Mr. Lee na maitayong marangal ang Singapore.

Kung nagawa ni LKY na maging modelo ng matayog na pag-unlad ang Singapore, bakit hindi ito nagawa sa Pilipinas?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

79

Related posts

Leave a Comment