GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
HINDI lahat ng maaaring gawing kanta ay dapat ginagawang pang-aliwan.
Iyon ang naiisip ko habang pinanonood ko ang muling pag-ikot ng isang video online.
Makikita rito ang mga kabataang Filipino-American sa loob ng isang party setting, sumasayaw at tumatawa habang tumutugtog ang remixed na bersyon ng “Lupang Hinirang.” May halong trap at club beats ang tunog, na parang inalis ang bigat at pinalitan ng ritmo ng sayawan. Para sa ilan, mukhang biro lang o creative expression. Pero para sa iba, tila may nalabag na hangganan na hindi dapat ginagalaw.
Unang lumabas ang video sa TikTok noong Disyembre 2025 mula sa isang Filipino creator na nakabase sa Estados Unidos. Muling kumalat ito sa Threads, kung saan mabilis uminit ang diskusyon. Ang orihinal na post ay naiulat na tinanggal, pero ang usapan ay hindi na nawala.
Hindi mahirap intindihin kung bakit maraming nagalit. Ang pambansang awit ay hindi ordinaryong kanta. Naka-ugat ito sa kasaysayan at sa ideya ng isang bansa. Kaya kapag ginawang background music sa sayawan, natural na may mararamdaman na hindi tama.
Hindi ito simpleng usapin ng “trip lang” o “modern style.” Ito ay usapin ng pagtingin kung ano ang sagrado at ano ang pang-aliw.
May umiiral na batas tungkol dito. Sa ilalim ng Republic Act 8491, ang pambansang awit ay dapat sundin ang opisyal na komposisyon ni Julian Felipe. Dapat itong awitin nang may paggalang, habang nakatayo at nasa tamang kilos ang mga tao. Nakasaad din na hindi ito dapat gamitin para sa aliwan o libangan, maliban sa ilang piling okasyon na pinapayagan ng awtoridad.
Pero kahit malinaw ang batas, hindi doon nagtatapos ang usapin. Ang video ay ginawa sa labas ng bansa, kung saan hindi direktang umiiral ang batas na ito. Kaya hindi ito simpleng tanong ng legalidad. Mas malalim ang diskusyon kaysa kung labag ba ito sa batas o hindi.
Mas mahalagang tanong ang hinaharap dito. Hanggang saan ang “pagiging malikhain” bago ito maging lapastangan? Sa panahon ngayon, mabilis magbago ang anyo ng kultura. Lahat pwedeng i-remix, i-edit, gawing content, at gawing viral. Pero hindi ibig sabihin na lahat ay bagay gawin.
May mga nagsasabing walang mali kung wala namang intensyong manira. Na pwedeng tingnan ito bilang modernong paraan ng pag-express ng pagiging Pilipino sa ibang bansa.
Na ang kabataan ay may sariling wika ng kultura. Totoo na may pagbabago sa paraan ng pagpapahayag ng identidad ngayon.
Pero may mga bagay na hindi lang usapin ng intensyon. May mga simbolo na dala ang bigat ng kasaysayan, at hindi nawawala ang bigat na iyon kahit ilagay sa ibang anyo.
Kapag ginawang party music ang pambansang awit, hindi lang tunog ang binabago.
Binabago rin ang konteksto nito.
Hindi ito usapin ng pagbabawal sa pagiging malikhain. Usapin ito ng pag-alam kung saan dapat huminto. Dahil may linya na hindi nasusukat sa dami ng views o sa dami ng likes.
Hindi naman siguro mahirap itanong ito sa sarili. Kung ang isang awit ay ginawa para sa paggalang, bakit kailangang baguhin para lang sumabay sa ingay ng sayawan?
122 