CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAITUTURING nga bang dagok sa mga Duterte ang resulta ng botohan sa lower chamber na muling nag-impeach kay Vice President Sara?
Ganito kasi ang tingin ng ilang observers. Habang papalapit daw ang impeachment trial sa Senado, unti-unti ring nababasag ang matagal nang imahe ng pamilya Duterte bilang halos hindi matinag na puwersang pampulitika sa Mindanao.
Base anila ito sa naging botohan sa Kamara na malinaw na political signal na maaaring humihina na ang kapit ng mga Duterte, maging sa mga rehiyong dating itinuturing nilang balwarte.
Sa botong 257-25-9, kapansin-pansin na malaking bilang ng mga kongresista mula sa Visayas at Mindanao ang sumuporta sa impeachment complaint laban sa Bise. Sa Visayas, 43 sa 50 mambabatas ang bumoto ng pabor habang 41 naman sa 61 kongresista mula sa Mindanao ang nagsabing “yes.”
Para sa maraming political observer, mahalaga ang numerong ito dahil matagal nang nakaugat sa Mindanao—lalo na sa Davao Region—ang lakas ng Duterte brand. Sa loob ng halos isang dekada, naging sentro ng kanilang impluwensiya ang rehiyon at nagsilbing pundasyon ng kanilang pambansang kapangyarihan.
Ngunit ang pagboto ng ilang mambabatas mula mismo sa Davao Region pabor sa impeachment ay maituturing na malaking dagok sa kanilang political machinery. Kabilang sa mga bumoto ng “yes” sina Reps. John Tracy Cagas ng Davao del Sur, Leonel “Jhong” Ceniza ng Davao de Oro, Jose Manuel “JM” Lagdameo at De Carlo Uy ng Davao del Norte, at Carmen Zamora ng Davao de Oro.
Ipinakikita nito na maging ang ilang tradisyunal na kaalyado o mga lider mula sa mga lugar na malapit sa impluwensya ng mga Duterte ay tila nagsisimula nang dumistansya.
Ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, winasak ng voting pattern ang alegasyong ito ay simpleng maniobra lamang ng “Imperial Manila” laban sa Bise Presidente.
Ngunit sa mas malalim na pagtingin, mahirap ihiwalay ang usaping legal sa realidad ng pulitika. Sa kasaysayan ng bansa, madalas na ang pagkawala ng solidong suporta mula sa sariling rehiyon ang nagsisilbing simula ng paghina ng isang political dynasty.
Habang nananatiling popular si VP Sara sa ilang sektor, ipinakita ng impeachment vote na hindi na kasing solid ng dati ang pagkakahanay ng mga lokal na lider sa kanilang kampo. Maaari rin itong senyales na may mga politikong naghahanda na para sa posibleng realignment bago ang 2028 elections.
Sa Luzon, 125 sa 142 kongresista ang bumoto pabor sa impeachment habang halos lahat ng probinsya sa Visayas gaya ng Cebu, Iloilo, Leyte at Samar ay sumuporta rin dito. Malakas din ang naging suporta mula sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, Caraga at BARMM.
Sa ngayon, hindi pa nangangahulugan ang impeachment vote na tuluyang bagsak ang impluwensya ng mga Duterte. Malalim pa rin ang kanilang political network at nananatili silang makapangyarihang pangalan sa pambansang pulitika.
Pero malinaw na ang nangyari sa Kamara ay isa sa pinakamatingkad na indikasyon na maaaring nagsisimula nang mabawasan ang dating halos monolitikong suporta sa pamilya Duterte—lalo na sa mismong mga rehiyong minsang nagsilbing pundasyon ng kanilang kapangyarihan.
o0o
PAHABOL: Malaking katatawanan ngayon sa social media ang nangyaring habulan sa Senado. Wala kasing nag-akala na kakaripas pala ng takbo at halos magkandarapa pa si Sen. Bato dela Rosa matakasan lang ang mga ahente ng NBI na huhuli sa kanya.
Naging meme tuloy siya ngayon.
Pero habang marami ang halos maihi sa katatawa, tingnan natin ang seryosong side ng mga pangyayari. Sa totoo lang, malaking problema ngayon kay SP Alan Cayetano kung paano ibabalik ang dignidad ng Senado.
Sa nangyari kasi noong Lunes, hindi lang si Bato ang nagmukhang katawa-tawa at kaawa-awa kundi ang mismong institusyon ng Senado.
Sa kasaysayan nga raw ay iyon ang unang pagkakataon na nangyari ang ganung ‘komedya’.
Tingin ko at siguro ng karamihan, tama na baguhin na ang komposisyon ng Senado sa susunod na halalan. Suriing mabuti ang mga iuupo at kung maaari ay sumubok tayo ng mga bagong pangalan. Baka sakali maibalik ang dating dangal ng upper chamber.
97 