INANUNSYO ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang pagpapataw ng anim na buwang preventive suspension kay acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kaugnay ng naganap na kaguluhan sa Senado noong Miyerkoles, Mayo 13, 2026.
Sa isinagawang press conference nitong Biyernes, Mayo 15, sinabi ni Remulla na pinirmahan na niya ang rekomendasyon para sa suspensyon ni Aplasca.
“There was a recommendation and I signed for six months preventive suspension of the acting Sergeant-at-Arms of the Senate Mao Aplasca for what happened on the other night,” ayon kay Remulla.
Paliwanag ng Ombudsman, layunin ng preventive suspension na mapadali ang kanilang imbestigasyon sa insidenteng naganap sa Senado.
“It is a preventive suspension meant to make things easier for us to get to the bottom of things,” dagdag pa nito.
Ani Remulla, kinakailangang masusing mapag-aralan ang buong pangyayari mula noong gabi ng Mayo 13 hanggang sa umano’y pagtakas ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa mula sa protective custody ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).
“Kinakailangan kasing mapag-aralan ‘yong pangyayaring naganap sa Senado noong 13 ng Mayo, noong gabi, noong madaling-araw… kung saan nagkaputukan at tila tumakas sa protective custody ng Senado si Senator Bato dela Rosa na merong warrant of arrest galing sa ICC,” diin ni Remulla.
“Kinakailangang kumilos tayo sa bagay na ito,” dagdag pa niya.
Bukod sa OSAA, kasama rin aniya sa imbestigasyon ang NBI, DILG at PNP at tatanungin din ang mga senador at lahat nang nasa Senado nang mangyari ang insidente kabilang ang media.
89 