MAY lead na umano ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kinaroroonan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ngunit tumanggi muna itong ibunyag habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ito ang inihayag ni NBI Director Melvin Matibag sa pulong-balitaan ng Manila City Hall Reporters Association (MACHRA) sa Harbour View sa Luneta.
“Mahirap naman pong mag-announce na nandirito siya kasi people try to speculate,” ani Matibag.
“Marami pong lead na ibinigay, but we have a lead kung nasaan talaga pero in the meantime we will suspend ‘yong announcement kung nasaan talaga siya,” dagdag pa nito.
Ayon pa kay Matibag, si Senator Robin Padilla umano ang dapat unang tanungin dahil ito ang huling nakasama ni Dela Rosa bago tuluyang mawala sa publiko.
“If there’s somebody or person that should be asked, ang unang-unang dapat tanungin si Senator Robin Padilla dahil siya ‘yong huling kasama,” saad ng opisyal.
Magugunitang si Padilla ang itinuturing na number one person of interest sa umano’y pagpuslit kay Dela Rosa palabas ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14, 2026 na ngayon ay iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ).
“Huli na naging Bato pa,” pabirong pahayag pa ni Matibag.
Kaugnay nito, hinikayat din ng NBI chief si Dela Rosa na lumantad na lamang at harapin ang outstanding warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
“Galing siya sa law enforcement… it’s better na harapin niya ‘yung warrant niya, mag-submit siya. Harapin niya ‘yung kanyang pananagutan sa batas,” ani Matibag.
“Nasa wanted list siya ng ICC. So, we have a commitment to the International Criminal Court. As a law enforcement, naka-monitor tayo,” dagdag pa nito.
Samantala, itinanggi rin ni Matibag na “under attack” o “under siege” ang Senado matapos ang insidente ng putukan noong Mayo 13.
Ito ay tugon sa naging pahayag nina Senators Allan at Pia Cayetano na tila inaatake umano ang Senado kasunod ng naturang insidente.
Ipinaliwanag ni Matibag na tumugon lamang ang NBI matapos humingi ng tulong si GSIS General Manager Wick Veloso para tiyakin ang seguridad sa daanang nag-uugnay sa GSIS premises at Senate building.
Nilinaw rin ng opisyal na hindi mga tauhan ng NBI ang nagbarena sa lagusan sa pagitan ng Senado at GSIS.
Ayon kay Matibag, pagdating umano ng kanilang mga tauhan sa lugar ay naabutan na nilang nagbabarena ang mga empleyado ng GSIS.
(JESSE RUIZ/JOCELYN DOMENDEN)
72 