OSG PINABABASURA SA SC PETISYON PARA SA MEDICAL, DRUG TEST NI PBBM

HINILING ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Supreme Court (SC) na ibasura ang petisyong nag-uutos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumailalim sa physical at mental examination kabilang ang hair follicle drug test.

Ayon sa OSG, dapat agad ibasura ang petisyon dahil umano sa “utter lack of merit” at kawalan ng legal na batayan.

Sinabi rin ng OSG na walang legal standing ang mga petitioner at saklaw ng absolute immunity from suit ang Pangulo.

Bukod dito, wala rin umanong sapat na batayan sa batas o Konstitusyon para obligahin si Marcos Jr. na sumailalim sa medical examination at isapubliko ang resulta nito.

“Stripped clean of bombast and rhetoric, this Petition is nothing more than a fishing expedition. It must be resolutely denied,” ayon sa sagot ng OSG sa Korte Suprema.

Magugunitang naghain noong Abril ng petisyon para sa mandamus sina dating House Speaker Pantaleon Alvarez kasama sina Virgilio Garcia, Juan Raña, at Raymundo Junia.

Layunin ng petisyon na obligahin si Pangulong Marcos na sumailalim sa komprehensibong medical examination at ilabas sa publiko ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan.

(JULIET PACOT)

63

Related posts

Leave a Comment