AFP NAKAKUHA NG 72% TRUST RATING — OCTA

MULING nagtala ng mataas na trust at performance ratings ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pinakahuling survey ng OCTA Research para sa unang quarter ng 2026.

Batay sa datos ng independent pollster, pito sa bawat sampung Pilipino ang nagtitiwala sa hukbong sandatahan.

Sa ginanap na regular Tuesday forum sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, nagpasalamat ang pamunuan ng AFP sa patuloy na tiwalang ibinibigay ng publiko sa gitna ng umiinit na usaping pulitikal sa bansa.

Ayon sa OCTA Research Tugon ng Masa survey, nakakuha ang AFP ng 72 percent trust rating at 70 percent performance rating.

“Both its actual ratings — 72% trust and 70% satisfaction — and its net ratings of +61 net trust and +56 net performance rank among the strongest institutional ratings recorded in the OCTA Q1 2026 survey cycle,” ayon sa survey.

Isinagawa ang poll mula Marso 19 hanggang 25 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents sa buong bansa.

Lumabas din sa survey na 11 porsyento lamang ng respondents ang nagsabing kulang ang kanilang tiwala sa AFP kaya nakapagtala ito ng +61 net trust rating.

Sa pulong-balitaan, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na patunay ito ng pagiging epektibo ng kampanya ng militar sa territorial defense at counter-insurgency operations.

Nangako naman ang AFP na hindi nito sisirain ang tiwalang ibinibigay ng taumbayan.

(JESSE RUIZ)

45

Related posts

Leave a Comment