PINAGBITIW sa puwesto si Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Education Minister Mohagher Iqbal matapos lumabas ang special audit report ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagbili ng P2.2 bilyong halaga ng education at training materials.
Batay sa dalawang pahinang liham ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua noong Mayo 11, 2026, inatasan si Iqbal na agad magsumite ng irrevocable resignation, at kapag hindi ito sumunod ay ituturing umano itong kusang nagbitiw sa puwesto.
Kabilang umano sa audit findings ng COA laban sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ang kabiguang magpataw ng liquidated damages na nagkakahalaga ng P1.06 milyon kaugnay ng 520 araw na delay sa delivery ng mga proyektong nagkakahalaga ng P30.9 milyon para sa small armchairs ng mga primary school learners.
Ayon sa ulat, lumabag umano ito sa Section 68 at Item 3 ng 2016 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 9184 at sa mga kondisyon ng kontrata sa supplier.
Nabatid din na may 53 kontrata na nagkakahalaga ng P1.95 bilyon ang inaward ng MBHTE sa kabila ng umano’y material defects sa procurement process.
Dahil din umano sa late posting ng performance security ng bidders, hindi nasiguro ng ahensya ang “faithful performance of the suppliers’ contractual obligations” habang isinasagawa ang mga proyekto.
Bukod dito, may 73 disbursement vouchers na nagkakahalaga ng P2.24 milyon ang pinroseso at binayaran nang buo sa supplier kahit kulang umano sa kinakailangang dokumento.
Sinabi ni Macacua na naglabas na ang COA ng initial notices of disallowance laban sa mga naturang transaksyon at posible pang madagdagan ito.
“In view of these, and given the gravity of the findings and the enormity of the amount involved, we are of the considered view that the gains of good and moral governance… are in serious jeopardy,” ayon sa liham ni Macacua.
(PAOLO SANTOS)
53 