5-YEAR VALIDITY NG PRC LICENSE APRUB NA SA FINAL READING SA KAMARA

ISANG malaking tagumpay para sa milyun-milyong propesyonal sa bansa matapos aprubahan ng House of Representatives ang panukalang magpapalawig sa validity ng Professional Regulation Commission (PRC) identification cards mula tatlo hanggang limang taon.

Sa botong 266 pabor, walang tumutol at isang abstention, ipinasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8876.

Layunin ng panukala na gawing mas moderno ang proseso sa gobyerno at alisin ang hindi kinakailangang regulatory requirements.

Ayon kay Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, tugon ang panukala sa matagal nang hinaing ng mga propesyonal para sa mas simple, mas mura, at mas episyenteng sistema ng renewal.

“Our professionals deserve a government that values their time and hard work. This measure cuts red tape, reduces unnecessary expenses, and makes public service more responsive to the realities faced by millions of Filipinos,” ani Marcos.

Samantala, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez, isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, na layon nitong pagaanin ang pasanin ng mga lisensyadong propesyonal sa pamamagitan ng pagbawas sa dalas ng renewal at gastusin.

“Ang panukalang ito ay pagkilala sa sakripisyo at ambag ng ating mga propesyonal. Sa mas mahabang validity ng PRC IDs, mas mabibigyan sila ng ginhawa at sapat na panahon para sa kanilang propesyon at trabaho,” ani Romualdez.

Sa ilalim ng HB 8876, magiging valid sa loob ng limang taon ang lahat ng Professional Identification Cards na inilalabas ng PRC basta’t sumusunod sa umiiral na batas, continuing professional development requirements, at iba pang regulatory standards.

Inaatasan din ng panukala ang Information and Communications Technology Service ng PRC na kumpletuhin ang mga kinakailangang upgrade sa Licensure Examination Registration Information System.

Sinabi ni Marcos na makikinabang dito ang mga guro, nars, inhinyero, arkitekto, accountant, at iba pang lisensyadong manggagawa sa buong bansa.

(TINA MENDOZA)

121

Related posts

Leave a Comment