ER NG OSPITAL NG MAYNILA, DIMASALANG BRIDGE NB ISASARA

INANUNSYO ng pamahalaang lungsod ng Maynila na pansamantalang isasara ang Emergency Room (ER) ng Ospital ng Maynila mula Mayo 24 hanggang Hunyo 1.

Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ito ay upang bigyang-daan ang pagsasaayos ng mga pasilidad nito.

Sinabi ng alkalde na ilang linggong pinag-aralan ng pamahalaang lungsod kung paano maisasaayos ang ER ng ospital nang hindi itinitigil ang operasyon nito, ngunit lumabas sa mga pagsusuri na hindi ito ligtas para sa publiko kaya kinakailangan itong pansamantalang isara.

Sinabi naman ni City Health Officer Dr. Grace Padilla na ililipat ang mga pasyente sa anim na iba pang pampublikong ospital na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan upang matiyak na hindi mapapabayaan ang mga nangangailangan ng agarang tulong medikal.

Bilang paghahanda sa isang linggong pagsasara ng ER, magtatalaga ng ambulansyang naka-standby 24/7 at isang tent area sa labas ng ospital upang umalalay sa mga darating na pasyente bago sila ilipat sa ibang pasilidad.

Tiniyak naman ng alkalde na tuloy-tuloy ang pagsasaayos sa pasilidad araw at gabi upang matiyak na muling makapagbubukas ang ER sa itinakdang petsa sa Hunyo 1.

Samantala, isasara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang northbound lane ng Dimasalang Bridge sa Sampaloc, Maynila simula Mayo 23, 2026 para sa ikalawang phase ng rehabilitasyon at major repair works nito.

Ipinaalam ito ni Domagoso sa kanyang “Talk to the People” Facebook livestream noong Huwebes, Mayo 21.

Ayon sa liham ni DPWH North Manila District Engineering Office District Engineer Dennis E. Sandoval, layunin ng proyekto na tiyakin ang structural integrity, safety, at patuloy na serbisyo ng tulay para sa mga motorista at komunidad sa paligid.

Inaasahang matatapos ang rehabilitasyon sa ikalawang linggo ng Oktubre 2026, bago ang Undas, kung kailan milyon-milyong bisita ang inaasahang dadagsa sa Manila North Cemetery.

Nakumpleto na ang southbound lane, na unang phase ng proyekto, at pinasalamatan ni Domagoso ang DPWH sa pagtupad sa kanilang commitment.

Pinapayuhan ang mga motorista na bantayan ang full traffic rerouting plan na ilalathala ng city government sa kanilang opisyal na social media platforms.

(JOCELYN DOMENDEN)

110

Related posts

Leave a Comment