NAGLAYAG na ang Naval Task Group 84 ng Philippine Navy sakay ng BRP Miguel Malvar (FFG-06) para lumahok sa Rim of the Pacific (RIMPAC) Exercise 2026 sa Hawaii matapos ang send-off ceremony sa Naval Operating Base sa Subic.
Personal na pinangunahan ni Navy Flag Officer In Command, Vice Admiral Jose Ma Ambrosio Q Ezpeleta PN, ang send-off ceremony kasama ang mga miyembro ng contingent at iba pang panauhin.
Ayon kay Ezpeleta, ang RIMPAC ang pinakamalaking international maritime warfare exercise sa buong mundo na isinasagawa kada even-numbered year.
Sa kauna-unahang pagkakataon, makikilahok din ang Philippine Coast Guard (PCG) sa naturang pagsasanay kasama ang United States Coast Guard at iba pang hukbong-dagat mula sa humigit-kumulang 30 bansa para sa maritime cooperation, operational interoperability, humanitarian assistance and disaster response, maritime law enforcement at regional maritime security.
Ani Ezpeleta, ang pagbabalik ng Pilipinas sa RIMPAC matapos ang huling partisipasyon noong 2022 ay patunay ng layunin ng bansa na maging isang “credible partner” sa ilalim ng SAIL Plan 2040.
Bukod sa BRP Miguel Malvar, sasabak din sa ehersisyo ang BRP Gabriela Silang ng Philippine Coast Guard, na kauna-unahang foreign coast guard organization na inimbitahang lumahok sa pinakamalaking multinational maritime warfare exercise sa Hawaii.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, sumasalamin ang partisipasyon ng PCG sa pinaigting at modernisadong kakayahan nito sa pagsusulong ng rules-based approach sa Indo-Pacific region.
“It signifies that the coast guard has arrived,” ani Gavan.
“We now have the minimum level of fleet readiness to allow us to be an active player. Kaya na nating makipagsabayan sa ating mga kasamahan sa Indo-Pacific,” dagdag pa niya.
(JESSE RUIZ)
144 