TINANGGAP ng Pilipinas ang naging resulta ng eleksyon para sa non-permanent seat ng United Nations Security Council (UNSC) at nagpaabot ng pagbati sa Kyrgyzstan sa pagkapanalo nito para sa 2027-2028 term.
Nabigo ang Pilipinas na masungkit ang nakalaang pwesto para sa Asia-Pacific regional group matapos makakuha lamang ng 49 boto laban sa 142 boto ng Kyrgyzstan.
Sa kabila ng pagkatalo, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na mananatiling nakatuon ang Pilipinas sa pagsusulong ng kapayapaan, katatagan, sustainable development, at rules-based international order.
“We thank the international community for the support and goodwill extended to the Philippines throughout our candidacy,” ani Secretary Lazaro.
Ayon pa sa Kalihim, nakabatay ang kampanya ng Pilipinas sa pagsusulong ng kapayapaan, dayalogo, internasyonal na batas, at kooperasyon ng mga bansa.
Sa isinagawang botohan sa United Nations General Assembly sa New York City, nabigong makuha ng Pilipinas ang kinakailangang two-thirds majority o 128 boto mula sa 191 bansang lumahok.
Bago ang pinal na bilangan, nagsagawa pa ng tatlong karagdagang rounds ng botohan matapos walang kandidatong makakuha ng sapat na boto sa unang yugto.
Samantala, nahalal din para sa 2027-2028 term ang Austria, Portugal, Trinidad and Tobago, at Zimbabwe.
Papalitan ng mga bagong halal na bansa ang Pakistan, Denmark, Panama, Somalia, at Greece na magtatapos ang termino sa Disyembre 31, 2026.
Binubuo ang UNSC ng 15 miyembrong bansa, kabilang ang limang permanent members na China, France, Russia, United Kingdom, at United States.
(CHRISTIAN DALE)
63 