AFP UMALMA SA TAWAG NA 18 MARINES SA ‘MALETA BOYS’ NI ZALDY CO

TUTOL ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa patuloy na pagtawag na “18 Marines” sa grupong umano’y nagsilbing bagmen sa kontrobersyal na flood control scandal na iniuugnay kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, nakalilinlang umano ang paggamit ng terminong “ex-Marines” sa 18 indibidwal na nagsasabing sila ay dating sundalo na nagdadala ng mga maleta ng pera bilang umano’y kickback mula sa public works funds.

Ipinaliwanag ng AFP na wala na sa serbisyo ang mga naturang indibidwal nang mangyari ang mga alegasyong insidente at hindi rin lahat ay dating miyembro ng Philippine Marines, batay sa naunang pahayag ng Philippine Navy.

“Labeling them as such might suggest AFP participation in the alleged operation,” ani Col. Trinidad.

Dahil dito, sinabi ng AFP na mas angkop silang tawaging mga witness, affiants, o dating staff at bodyguards ng mga personalidad na sangkot sa usapin.

Unang ipinakilala sa publiko ng abogado na si Atty. Levito Baligod ang grupo noong Pebrero 24 at kalaunan ay sinuportahan ni dating Congressman Mike Defensor.

Sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, iniuugnay ang grupo sa umano’y paghahatid ng cash kickbacks mula kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co patungo kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos, dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez, at iba pang mambabatas.

Mariin namang itinanggi ng mga pinangalanang opisyal ang mga alegasyon.
Hinamon din ng ilang mambabatas ang grupo na humarap sa susunod na pagdinig upang patunayan ang kanilang mga paratang.

Samantala, may ilang opisyal at mambabatas nang nagbabantang magsampa ng mga kasong libel laban sa mga nag-akusa sa kanila.

Iginiit pa ng AFP na hindi dapat gamitin ang pangalan at kredibilidad ng Philippine Marines upang bigyan ng bigat ang mga alegasyon ng grupo.

(JESSE RUIZ)

78

Related posts

Leave a Comment