TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) ang ligtas na pagbabalik-eskwela ng mahigit 26 milyong mag-aaral sa pagbubukas ng SY 2026-2027 sa pamamagitan ng pagdeploy ng mahigit 55,000 security personnel sa ilalim ng Oplan Balik-Eskwela.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., kabilang sa ipinakalat na mga tauhan ang 28,751 miyembro ng PNP, 4,079 personnel mula sa iba pang yunit, at 22,677 force multipliers mula sa mga katuwang na ahensiya at organisasyong pangkomunidad.
“Kasama sa komprehensibong deployment na ito ang mga pulis na nakatalaga para sa mataas na presensya sa pagpapatrolya sa paligid ng mga paaralan, pamamahala ng trapiko, at pagbabantay sa mga Police Assistance Desk, na pinalalakas pa ng mga auxiliary force at mga katuwang sa komunidad,” ani Nartatez.
Sinabi rin niya na nakapagtatag na ang PNP ng 9,319 Police Assistance Desk sa mga paaralan at school clusters sa buong bansa upang agarang matugunan ang anomang insidente at pangangailangan ng mga mag-aaral, guro, at magulang.
Bukod dito, magpapakalat ang PNP ng 9,525 mobile patrol units upang higit pang mapalakas ang police visibility at kakayahang tumugon sa mga school zone.
“Makatitiyak ang publiko na ang proaktibong hakbang na ito para sa seguridad sa mga paaralan ay ganap na nakaayon sa aming Enhanced Managing of Police Operations, kaya’t hindi maaapektuhan at mananatiling ganap na gumagana ang aming mga kampanya laban sa krimen, intelligence operations, at mga programang pangkaligtasan sa komunidad,” dagdag ni Nartatez.
Kasabay nito, iniulat ng Department of Education (DepEd) na umabot na sa halos 26 milyong mag-aaral ang nakapag-enrol para sa SY 2026-2027 hanggang noong Biyernes ng nakaraang linggo.
Inaasahan ng DepEd na aabot sa humigit-kumulang 26.4 milyong mag-aaral ang magpapatala ngayong taon, halos kapareho ng bilang noong nakaraang taon.
Tiniyak naman ng PNP sa mga magulang at tagapag-alaga na nakahanda ang pulisya upang pangalagaan ang seguridad ng mga mag-aaral sa unang araw ng klase at sa buong school year.
(JESSE RUIZ)
67 