DEATH TOLL SA GUMUHONG GUSALI SA PAMPANGA, 28 NA

UMAKYAT na sa 28 ang bilang ng mga nasawi sa pagbagsak ng siyam na palapag na gusaling itinatayo sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga noong Mayo 24, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Gayunman, ikinagulat ng mga awtoridad na pito sa mga narekober na bangkay ay hindi kasama sa listahan ng mga nawawalang construction workers na isinumite sa rescue teams.

Dahil dito, iniimbestigahan ngayon kung sinu-sino talaga ang nasa loob ng gusali nang mangyari ang trahedya.

Batay sa updated casualty data ng BFP, 26 sa 28 bangkay na nahukay mula sa guho ang positibo nang nakilala matapos ang ilang araw na search, rescue, retrieval, at clearing operations.

Nanawagan naman ang local government unit sa mga kaanak ng mga nasawi na kunin na ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay upang mabigyan ng maayos na libing.

Sa tala ng mga awtoridad, 14 na biktima, kabilang ang isang Malaysian national at sampung construction workers, ang naiuwi na ng kanilang mga pamilya.

Isang lalaki ang pinakahuling nahukay mula sa guho dahilan upang umakyat sa 28 ang kabuuang bilang ng mga nasawi.

Patuloy pa rin ang search, retrieval, at clearing operations habang tinutukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng iba pang mga biktima at kung bakit hindi sila kabilang sa opisyal na listahan ng mga nawawala.

(JESSE RUIZ)

74

Related posts

Leave a Comment