Pagkasawi ng 19 katao bineberipika GUSALI, PAARALAN GUMUHO SA 7.8M LINDOL SA MINDANAO

KASABAY ng pagbubukas ng klase kahapon ay niyanig ng malakas na lindol ang Southern Mindanao na nagdulot ng pagguho ng mga gusali, paaralan, shopping mall, simbahan, tulay at mga kabahayan, at ikinasawi ng ilang indibidwal batay sa inisyal na ulat ng Office of Civil Defense (OCD).

Sa paunang ulat na inilabas ng OCD nitong Hunyo 8, nasa 19 na ang naitalang nasawi habang pito ang nawawala at tinatayang 10,000 pamilya ang naapektuhan sa mga lugar na sinalanta ng lindol.

Patuloy naman ang damage assessment at koordinasyon ng mga lokal, rehiyonal at pambansang ahensya upang matukoy ang lawak ng pinsala at agad na maihatid ang kinakailangang tulong sa mga apektadong komunidad.

Ayon sa OCD, nakatanggap na sila ng mga ulat hinggil sa malawakang structural damage matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao.

Dahil dito, isinailalim sa Full Red Alert ang buong pwersa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga kaagapay nitong ahensiya kabilang ang Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni OCD Administrator Undersecretary Harold Cabreros na natukoy ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang episentro ng lindol sa Sarangani na naramdaman sa malaking bahagi ng Mindanao at ilang lugar sa Visayas.

“Ang epicenter ay nasa Maasim, Sarangani. Ang mga naapektuhang rehiyon ay Regions 9, 11, 12 at BARMM. Pero naramdaman din ito sa ibang bahagi ng Mindanao at Visayas,” ani Cabreros.

Sa initial death toll, sumasailalim pa sa beripikasyon ang tatlong nasawi sa Davao Occidental, tatlo sa General Santos City, tatlo sa Sarangani at dalawa sa Cotabato.

Patuloy naman ang search and rescue operations ng AFP Eastern Mindanao Command at PNP dahil sa pangambang may mga natabunan sa pagbagsak ng bahagi ng isang malaking shopping mall at isang gusaling kinaroroonan ng sikat na fast-food chain.

Mistulang ghost town ang ilang bahagi ng General Santos City matapos magbagsakan ang mga gusali, establisimyento at iba pang imprastraktura na sinabayan pa ng malawakang brownout.

Sinuspinde rin ang mga klase at trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan habang nagsasagawa ng damage assessment ang mga lokal na disaster risk reduction offices.

Nasabay ang lindol sa unang araw ng pasukan sa maraming paaralan sa Mindanao. Sa Matanao, Davao del Sur, bumagsak ang gusali ng Matanao National High School.

Nagpalabas din ng tsunami alert ang Phivolcs para sa ilang coastal areas sa Mindanao kabilang ang Sarangani, Davao Occidental, Tawi-Tawi, Sulu, Basilan, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Sultan Kudarat at South Cotabato.

Pinayuhan ang mga residente sa baybayin na lumikas muna sa mataas at ligtas na lugar habang hinihintay ang panibagong abiso ng mga awtoridad.

PBBM Pinakilos Lahat ng Ahensya

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., agad nagsagawa ng response operations ang Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa mga apektadong lugar.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, kabilang sa mga hakbang ang search and rescue operations, inspeksyon sa mga paaralan, pampublikong gusali at mga baybaying lugar na nasa ilalim ng tsunami advisory.

Samantala, tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na nananatiling available ang Quick Response Fund (QRF) ng mga ahensyang tumutugon sa kalamidad at maaari itong agad gamitin para sa relief at disaster response operations.

Sinabi rin ng DBM na nakahanda silang magproseso ng karagdagang pondo kung kinakailangan upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.

Sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na sapat ang pondo ng pamahalaan para tugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng lindol.

Aniya, maaaring gamitin ang quick response fund para sa relief goods, evacuation centers, search and rescue operations, retrieval efforts at emergency medical assistance.

Dagdag pa ni Castro, nagbigay na ng direktiba si Pangulong Marcos sa lahat ng concerned agencies upang tiyaking mabilis ang pagtugon sa sitwasyon sa Mindanao.

Wala pa namang itinakdang petsa kung kailan bibisita ang Pangulo sa mga apektadong lugar dahil nakatuon pa ang mga ahensya sa kanilang operasyon sa ground.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Pangulong Marcos na pinakilos na ang Office of Civil Defense at NDRRMC para sa disaster response at monitoring sa lahat ng apektadong lugar.

Inatasan din niya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na agad mag-preposition ng relief goods at tiyaking handa ang mga evacuation center.

Nakaantabay naman ang DPWH para suriin ang pinsala sa mga kalsada, tulay at iba pang mahahalagang imprastraktura at tiyaking bukas ang mga rutang kailangan sa rescue at relief operations.

Ipinag-utos din ng Pangulo ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa mga apektadong lugar sa Mindanao hanggang sa susunod na abiso.

“The safety of our children comes first. DepEd will coordinate with local government units on this,” ayon sa Pangulo.

(JESSE RUIZ/CHRISTIAN DALE)

103

Related posts

Leave a Comment