CURLEE DISCAYA INILIPAT NA SA REGULAR NA KULUNGAN

NAITURN-OVER na ng Senado sa Philippine National Police (PNP) ang contractor na si Curlee Discaya matapos itong arestuhin sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Malolos Regional Trial Court kaugnay ng mga kasong graft at malversation of public funds.

Bandang alas-7:30 ng umaga nitong Lunes nang arestuhin ng mga tauhan ng PNP-CIDG NCR si Discaya sa kanyang detention cell sa Senado.

Sa Senado na rin isinagawa ang booking process kabilang ang pagkuha ng mugshot at fingerprint nito.

Matatandaang nakakulong si Discaya sa Senado mula pa noong Setyembre 2025 matapos ma-contempt ng Kamara sa isinasagawang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Ilang kongresista rin ang pinangalanan ni Discaya na umano’y tumanggap ng kickback mula sa naturang mga proyekto.

Ayon kay Atty. Cornelio Discaya, hindi sila hihiling ng hospital arrest para sa kontratista kahit nagpapagaling pa ito mula sa operasyon sa balikat.

Kahapon, alas-10:00 ng umaga nang dumating si Discaya sa Bulacan Regional Trial Court.

Pagkatapos ng pagdinig, dinala siya sa Bulacan Provincial Jail pasado alas-12 ng tanghali kasunod ng paglalabas ng commitment order ng RTC Branch 20.

Ang mga kaso ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ni Judge Mirasol Ong Dynchinco.

Nahaharap si Discaya sa mga reklamong may kinalaman sa umano’y malversation ng pondo ng bayan, pamemeke ng public documents at paglabag sa anti-corruption laws.

Non-bailable ang kasong malversation habang itinakda naman sa P90,000 ang piyansa para sa kasong graft.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ituturing si Discaya bilang ordinaryong person deprived of liberty (PDL) at hindi bibigyan ng espesyal na pribilehiyo.

Sinabi rin ni Remulla na may kabuuang 11 akusado sa mga kasong kriminal, kung saan siyam na ang naaresto habang dalawa pa ang pinaghahanap ng mga awtoridad.

(DANG SAMSON-GARCIA/ELOISA SILVERIO)

78

Related posts

Leave a Comment