INTEGRIDAD NG MGA GUSALI SA MALOLOS, MULING PINASISIYASAT

NAG-UTOS si Malolos City Mayor Christian Natividad ng panibagong inspeksyon sa mga pampubliko at pribadong gusali sa lungsod kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao.

Ayon kay Natividad, nagsagawa siya ng pagpupulong kasama ang City Administrator’s Office at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang tiyakin ang kaligtasan ng mga gusali, lalo na ng mga paaralan at unibersidad.

Sinabi ng alkalde na nabuhay ang pangamba ng mga residente matapos ang mga naunang ulat hinggil sa umano’y substandard na ilang imprastraktura sa Bulacan.

Ayon naman kay City Administrator Joel Eugenio, dalawang paaralan ang hindi maaaring gamitin sa kasalukuyan dahil sa natukoy na structural damage.

Ang mga ito ay ang BLISS Elementary School sa Barangay Bulihan at General Isidro Torres Memorial Elementary School sa Barangay Matimbo.

Sinabi ni Natividad na kumukuha rin ang city government ng serbisyo ng structural engineers upang masuri kung ligtas pang gamitin ang iba pang gusali sa lungsod.

Samantala, plano rin niyang makipagpulong sa Sangguniang Panlungsod upang alamin kung may available na pondo na maaaring ipadala bilang tulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.

114

Related posts

Leave a Comment