16 BOTO PARA SA CONVICTION NG BISE PRESIDENTE HINIMAY

MULING ipinaliwanag ni Atty. Ariel Inton ang isa sa mga naging mahahalagang ruling sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng bilang ng boto na kailangan upang mahatulan ang isang respondent.

Ayon kay Inton, isa sa pinakamahalagang naging pasya ni Senate President at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ay ang ruling na kinakailangan ang 16 boto upang ma-convict ang bise presidente.

Aniya, walang tumutol na senator-judge sa naturang ruling at wala ring naghain ng mosyon upang pagbotohan ito sa impeachment court. Maliban na lamang aniya kung kuwestiyunin ito sa Korte Suprema sa pamamagitan ng petition for certiorari at magkaroon ng ibang pasya.

Ipinaliwanag ni Inton na malinaw sa Saligang Batas na ang “two-thirds vote of all the members of the Senate” ang kailangan upang magkaroon ng conviction, o katumbas ng 16 boto mula sa kabuuang 24 senador.

Bagama’t 21 lamang ang present nang magsimula ang impeachment trial, sinabi niyang kasama pa rin sa bilang ang tatlong senador na sina Rodante Marcoleta, Jinggoy Estrada at Ronald “Bato” dela Rosa dahil nananatili silang miyembro ng Senado at nakapanumpa na bilang senator-judges.

Binigyang-diin din niya na ang mandatoryong two-thirds vote ay kailangan lamang sa pagboto sa hatol matapos ang paglilitis at hindi sa mga usaping dinidinig habang nagpapatuloy ang trial.

Ayon pa kay Inton, kahit may mga senator-judge na hindi nakadalo sa ilang pagdinig, maaari pa rin silang makaboto sa hatol batay sa mga transcript, video recordings, dokumento at iba pang ebidensyang naisumite sa impeachment court.

(JULIET PACOT)

36

Related posts

Leave a Comment