INDAY SARA BINISITA SI MARCOLETA

DUMALAW si Vice President Sara Duterte kay Senador Rodante Marcoleta sa Philippine National Police General Hospital nitong Martes ng umaga.

Kinumpirma ito ng PNP Health Service sa panayam ng mga mamamahayag.

Tahimik na dumating ang bise presidente sa Camp Crame at hindi ito namalayan ng mga reporter na nakatalaga sa lugar.

Bagama’t kapansin-pansin ang paghihigpit ng seguridad sa Camp Crame, nakapasok si Duterte upang dalawin ang senador bago rin umalis matapos ang pagbisita.

Inaasahang mananatili si Marcoleta sa PNP General Hospital hanggang Miyerkules habang tinatapos ang kanyang mga medical procedures matapos makaranas ng paninikip ng dibdib, pananakit ng batok at mataas na blood pressure.

Kaugnay nito, kumpiyansa ang Malacañang na igagalang ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo (INC) ang kautusan ng korte kaugnay sa pag-aresto kay Senador Rodante Marcoleta.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, dapat manaig ang rule of law anuman ang political o religious affiliation.

“Tayo po, unang-una, ayaw po nating sumagot ng hypothetical question dahil alam po natin, ang liderato ng INC ay gumagalang po sa kung ano ang sinasabi ng korte at ng batas,” ani Castro nang tanungin kung posible umanong muling magsagawa ng rally ang INC bilang suporta kay Marcoleta.

“So, mananatili po tayo sa paniniwala na ang pagpapatupad ng batas ay igagalang din po ng liderato ng INC,” dagdag niya.

Matatandaang inaresto si Marcoleta noong Lunes matapos ibasura ng Sandiganbayan Third Division ang kanyang motion for reconsideration sa inilabas na warrant of arrest kaugnay ng kinakaharap nitong kasong plunder.

Nag-ugat ang kaso sa alegasyong tumanggap umano si Marcoleta, noong siya ay kongresista pa, ng P75 milyong campaign donations na hindi idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Sa ilalim ng Anti-Plunder Act, maaaring managot ang isang opisyal ng pamahalaan kung mapatutunayang nagkamal ito ng hindi bababa sa P50 milyong ill-gotten wealth.

Binigyang-diin ni Castro na iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang desisyon ng korte at kinikilala ang kalayaan ng hudikatura.

“Kung iyan po ang isinasaad ng batas at iyan ang kautusan ng korte, iyan naman po ay irerespeto ng Pangulo,” ani Castro.

Idinagdag pa niya na walang diskresyon ang Executive branch sa pagpapatupad ng isang balidong warrant of arrest.

“Kung inisyu po ito ng korte at valid warrant of arrest ito, wala pong magagawa ang Ehekutibo kundi ipatupad ito,” dagdag niya.

Kaugnay naman ng sinasabing timing ng pag-aresto kay Marcoleta na kasabay ng pagsisimula ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Castro na nasa Senado at sa korte na ang usapin.

“Nasa kamay na po iyan ng Senado,” aniya.

(TOTO NABAJA/CHRISTIAN DALE)

74

Related posts

Leave a Comment