LAND CRUISER NA SANGKOT SA HIT & RUN BAKIT MAY STICKER NG HOR?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

ITINANGGI ni House Secretary General Cheloy Garafil na pagmamay-ari ng isang kongresista ang Toyota Land Cruiser na nasangkot sa isang hit and run accident at minamaneho ng isang 20-anyos sa Ortigas Ave., Mandaluyong City noong madaling araw ng July10, 2026.

Ayon kay Garafil, walang anomang record na nagsasabing sasakyan ng kahit sinong miyembro ng Kongreso ang may-ari nito, kawani man o opisyal.

Pero ang tanong ay paanong nagkaroon ito ng sticker na dapat ay eksklusibo lamang sa mga miyembro ng Kongreso?

Gaano ba kadali makakuha ng sticker na ito at kahit sino lang ay pwedeng magkabit nito?

Sa presyong P4-6 milyon ng isang Land Cruiser, alam nating may kaya o mayaman ang may-ari ng sasakyan na ito. Ayon sa Mandaluyong City Police, isang negosyante ng appliances ang may-ari ng nasabing sasakyan.

Kung hindi sila miyembro ng HOR (House of Representatives), paanong nakakuha ito ng sticker?

Hayagan pa ang paglabag ng may-ari ng sasakyan nito nang takpan ng nasabing sticker ang conduction sticker ng kanyang sasakyan.

Sa pahayag ng Mandaluyong City Police, nakikipag-areglo na nga raw ang pamilya ng driver sa mga biktima, kung saan patay on the spot ang babaeng pasahero habang naitakbo sa ospital ang TNVS driver.

Sa mga ganitong pagkakataon, tama ba na makipag-areglo lang ang pamilya sa mga suspek at hindi makasuhan ang mga ito?

Ganyan din ang nangyari sa isang aksidente sa Marikina City kamakailan, kung saan ang suspek naman ay anak umano ng Vice Mayor ng Marikina. Patay rin on the spot ang biktimang 24-anyos na guro.

Dapat ay hindi makipag-areglo ang pamilya ng mga ganitong uri ng aksidente upang matuto ang mga motorista na sumunod sa batas trapiko at maging maingat.

Hindi sapat na may pera silang pang-areglo sa kanilang mga mabibiktima. Dapat ay makasuhan ang mga ito para magsilbing babala sa iba pang motorista.

93

Related posts

Leave a Comment