PINABULAANAN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kumakalat na social media post na nagsasabing may grupo umano ng mga sundalo at pulis na nagpaplanong patayin ang ilang kongresistang sangkot sa katiwalian.
Sa isang press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na hindi nagbibigay ng reaksyon ang AFP sa mga ulat na walang sapat na batayan.
“Normally, AFP does not respond pagka wala pong actual basis and information in the report. So before we believe, we should verify. Hindi po dapat sapat sa atin ang sabi-sabi. Facts first before conclusions,” ani Padilla.
Ang pahayag ay kasunod ng isang social media post ng isang beteranong mamamahayag na nagbabala umano sa ilang kongresista na sangkot sa hinihinalang pangongotong sa mga contractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa naturang post, may grupo umano ng mga sundalo at pulis na papatay sa ilang tiwaling mambabatas at mag-iiwan ng karatulang may nakasulat na, “Huwag akong tularan sa aking kasuwapangan.”
Nanawagan si Padilla sa publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon at umasa lamang sa mga opisyal at mapagkakatiwalaang source.
“Hinihikayat po natin ang publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng mga impormasyon at umasa po tayo sa mga official at credible sources,” aniya.
Muli ring iginiit ni Padilla na nananatiling propesyonal, disiplinado at non-partisan ang AFP, at ang mandato nito ay nakabatay sa Konstitusyon at sa rule of law.
Tahasan ding itinanggi ng ilang matataas na opisyal ng militar at pulisya ang alegasyong may vigilante o liquidation squad sa kanilang hanay na target ang mga tiwaling mambabatas.
(JESSE RUIZ)
70 