PAGGAMIT NI VPSD SA P612.5M CONFI FUNDS TINAWAG NA ‘SCAM’

TINAWAG ni veteran lawyer at private prosecutor Lorna Kapunan na “scam laban sa taumbayan” ang umano’y maling paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte, kasunod ng mga isiniwalat sa nagpapatuloy na impeachment trial.

“Ang ini-scam, eh taong-bayan. Ang worth ng scam na ‘yan ay P612 million,” pahayag ni Kapunan sa panayam sa mga mamamahayag.

Inihalintulad ni Kapunan ang isyu sa isang taong humihingi ng pera para sa isang layunin ngunit ginagamit ito sa ibang bagay.

Ayon sa kanya, ang pangunahing usapin ay hindi ang mga pangalang lumitaw sa mga acknowledgment receipt kundi kung ang pondo ay maayos na na-account at suportado ng mga kinakailangang dokumento.

“Hindi naman tayo nag-e-emphasize ng pangalan. Ang pino-point out natin yung amount at kung saan ginamit. Walang resibo,” ani Kapunan.

Iginiit din niya na mahalagang mapatunayan kung ang pondo ay tunay na ginamit para sa mga layuning nakasaad, kabilang ang medical supplies, food assistance at safe houses.

Sinabi rin ni Kapunan na bagama’t may iba pang ahensya ng pamahalaan na tumatanggap ng confidential funds, ang kasalukuyang impeachment case ay nakatuon lamang kay Vice President Duterte at sa kanyang panunungkulan bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

Sa pagdinig nitong Martes, tumestigo ang dating state auditor ng Commission on Audit (COA) Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) na si Roderick Wamil, na nagsabing umabot sa P375 milyon ang kabuuang cash advances ng Office of the Vice President (OVP) para sa confidential funds sa unang tatlong quarter ng 2023.

Ayon kay Wamil, winithdraw ng OVP ang tig-P125 milyon kada quarter, ngunit lumitaw sa mga dokumento na bahagi ng pondo ay napunta sa mga gastusing hindi kabilang sa mga pinapahintulutan sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01.

Sinabi ni Wamil na walang isinumiteng official receipts, proof of payment o iba pang dokumentong magpapatunay sa paggasta para sa medical at food supplies.

Aniya, wala ring naiharap na ebidensya na ang mga impormasyong ibinigay ng mga impormante ay nagresulta sa matagumpay na intelligence o surveillance operations, na isa sa mga rekisito bago maibigay ang reward money.

Kinilala rin ni Wamil ang mga lagda ni Vice President Duterte sa mga Disbursement Vouchers, Liquidation Reports at Quarterly Accomplishment Reports matapos ikumpara ang mga ito sa specimen signatures na isinumite ng OVP.

Samantala, sinabi ni House Prosecution Spokesperson at Adviser Robert Ace Barbers na nailipat na sa kampo ni Vice President Duterte ang “burden of evidence” kaugnay ng disbursement at liquidation ng P612.5 milyong confidential funds.

Ayon kay Barbers, ang mga naiharap na ebidensya at testimonya ni Wamil ay sapat upang obligahin ang kampo ng bise presidente na sagutin at ipaliwanag ang mga umano’y anomalya sa paggamit ng pondo.

(TINA MENDOZA)

45

Related posts

Leave a Comment