RESOLUSYON BILANG PAGPUPUGAY KAY EALA, INIHAIN NI SENADOR MARK VILLAR

NAGHAIN si Senador Mark A. Villar ng Senate Resolution No. 564 upang parangalan at batiin si Filipina tennis star Alexandra “Alex” Eala matapos nitong masungkit ang kampeonato sa 2026 Mubadala DC Open.

Sa naturang tagumpay, naging kauna-unahang Pilipinong propesyonal na tennis player si Eala na nagwagi ng Women’s Tennis Association (WTA) 500 Tour singles title.

Kinilala sa resolusyon ang makasaysayang kampanya ni Eala, kung saan tinalo nito ang ilan sa pinakamahusay na manlalaro sa mundo, kabilang sina Olympic champion Zheng Qinwen, defending champion Leylah Fernandez, Elina Svitolina, dating World No. 1 Naomi Osaka, at World No. 3 Jessica Pegula sa finals.

Dahil sa kanyang panalo, umakyat si Eala sa World No. 20, ang pinakamataas na ranking na naabot ng isang Filipina sa kasaysayan ng WTA.

“Vamos, Alex! Ang tagumpay mo ay patunay na world-class ang atletang Pilipino. Isa ka nang kampeon, ngunit naniniwala akong marami ka pang maaabot. Kapag lumago, hindi na hihinto. Patuloy kang mangarap, magsikap, at ipagmalaki ang Pilipinas sa bawat laban,” ani Villar.

Ayon sa senador, ang tagumpay ni Eala ay bunga ng maraming taong sipag, disiplina at tiyaga, at nagsisilbing inspirasyon sa kabataang Pilipino.

Sa edad na 21, si Eala ang kauna-unahang Pilipinong nagkampeon sa Grand Slam junior singles noong 2022, unang Pilipinong nagwagi sa Grand Slam main-draw singles match sa Open Era, Asian Games medalist, Southeast Asian Games gold medalist, at ngayon ay kauna-unahang Pilipinong WTA Tour singles champion.

Pinuri rin ni Villar ang karakter ni Eala, na aniya’y nagpapakita ng kababaang-loob, paggalang sa kanyang mga katunggali, at pagmamalaki sa Pilipinas.

“Ang higit na kahanga-hanga kay Alex ay ang kanyang karakter. Sa bawat panayam at pagharap sa publiko, makikita ang kanyang kababaang-loob, paggalang sa kanyang mga katunggali, at pagmamalaki sa Pilipinas.”

Naniniwala rin ang senador na simula pa lamang ang DC Open title sa marami pang tagumpay na makakamit ni Eala sa internasyonal na tennis.

“Napakarami mo nang naabot, ngunit naniniwala akong simula pa lamang ito. Inaasahan naming mas marami ka pang mapapanalunang titulo at, balang araw, maiuuwi mo rin ang isang Grand Slam championship para sa Pilipinas,” ani Villar.

(DANNY BACOLOD)

90

Related posts

Leave a Comment