(NI ROSE PULGAR)
“HINDI namin nararamdaman ang pagbaba ng presyo ng bigas.”
Ito ang sigaw ng mga consumers sa patuloy na pagbaba ng presyo ng bigas sa bansa dahil sa inaasahang epekto ng “Rice Tariffication Law”.
Ilang buwan na halos dalawang piso na ang ibinababa ng presyo ng bigas sa bansa.
Ayon sa grupong Laban Consumers, mas maigi pa sanang bumaba ang presyo ng bigas kung magbibigay ng mas mababang suggested retail price ang pamahalaan.
Sinabi ni Atty. Vic Dimaguiba ,presidente ng nasabing consumers group, kung mas mababa ang srp, baka makuha pa sa halagang P32.00 kada kilo ang presyo ng bigas, imported man o lokal.
Batay naman sa status ng Philippines Statistic Authority (PSA), sa kasalukuyang presyo ng bigas sa National Capital Region (NCR), nasa P35 ang kada kilo ng regular milled rice, P44.00 ang well milled rice ,P46 .00 ang premium milled at P50.00 sa special rice.
Sa NCR, pababa ang presyo ng regular milled noong Pebrero , maliban lang noong Abril kung saan tumaas ng mahigit na piso kada kilo pababa rin ang presyo ng well milled rice ngunit sentimos lamang dahil naglalaro ito sa P43 kada kilo hanggang nitong nakalipas na buwan ng Mayo.
