Korapsyon ng appointees ni Presidente Rodrigo Duterte ang dahilan kung bakit biglang inutos niya ang pagpapasara ng operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office. Imbes na parusahan ang mga tinalaga niyang opisyal ay naapektuhan pa ang maraming mamamayan, kabilang ang mga pasyenteng umaasa sa mga medikal na tulong na ibinibigay ng PCSO. Hindi ba’t hindi ito makatarungan?
Ang malaking tanong ay kung anu-anong mga anomalya ang tinutukoy ni Pangulong Duterte na dahilan sa kanyang pag-uutos na ipasara ito. Mula pa 2011 ay itinutulak na ng Bayan Muna ang mga imbestigasyon hinggil sa mga iregularidad sa ahensya, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin ito binibigyan ng sapat na pansin ng Kamara de Representante.
Noong nakaraang taon ay naghain ang Bayan Muna ng House Resolution 1599 upang imbestigahan ang mga sumusunod:
- Ang P9.8 milyon pondo ng ahensya na ginastos para sa Christmas Party ng PCSO sa EDSA Shangri-la Hotel noong Disyembre 19, 2017. Napakamagarbong selebrasyon ang ginawa nila sa kabila ng kanilang mandato na tumulong sa mahihirap.
- Binigyan lamang ng P2 bilyon ang charity fund ng PCSO mula sa Small Town Lottery o STL, sa kabila ng P18 bilyon na kinita nito.
- Nasa 15-20% lamang ng kinikita ng STL operators ang kanilang idinideklara, at ang 80% pa nito ay ibinabayad sa mga matataas na opisyal ng PCSO.
- Ang mga empleyado ng ahensya ay mga anak ng mga opisyales.
Inatras na ng Malacañang ang kanilang pagpapasara sa PCSO, ngunit hindi pa nila nareresolba ang mga usaping ito. Ang pinakamahirap na ating mga kababayan pa rin ang pinakaapektado sa pagpapatigil ng operasyon ng ahensya. Kaya naman naghain muli ng panukalang resolusyon ang Bayan Muna, ang House Resolution 153 upang imbestigahan ang isyung ito.
Sana ay totoong pagtigil ng korapsyon ang dahilan ng pahayag ng pangulo, at hindi lamang ito pabalat-bunga upang papasukin ang interes ng pasugalan ng China. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
