T. CLAUDIO BRIDGE SA PANDACAN ISASARA NG 6-BUWAN

mmda44

(NI ROSE PULGAR)

NGAYONG weekend ay isasara sa mga motorista ang Tomas Claudio Bridge sa Pandacan, Maynila para bigyang-daan ang konstruksyon ng Skyway Stage 3 Elevated Expressway Project, alinsunod sa anunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

“Simula sa Sabado, Agosto 3, ng 10pm, isasara ang Tomas Claudio Bridge sa susunod na anim na buwan,” pahayag ni General Manager Jojo Garcia.

Para mabawasan ang inaasahang bigat ng trapiko bunsod ng proyekto, inatasan ni Garcia ang mga traffic enforcers sa lugar, katuwang ang mga opisyal ng barangay, na magsagawa ng clearing operations sa mga alternatibong ruta. Nasa 12,000 sasakyan ang dumaraan sa nasabing tulay.

“Simula bukas ay hahatakin na ng mga traffic enforcers ang mga sasakyan sa lugar. Bente kwatro oras ipagbabawal ang pagparada ng sasakyan sa paligid ng tulay,” ani Garcia.

Inaasahan naman ni Manila 6th District Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr. na matatapos ng mga contractors ang proyekto sa tamang oras.

“Nananawagan din ako sa Manila Police District na makipag-ugnayan sa MMDA at iba pang apektadong barangay para sundin ang regulasyon ng MMDA. Dapat ay alisin ang lahat ng iligal na nakaparadang sasakyan sa mga alternatibong ruta,” ani Abante.

Inaasahan namang matatapos ang Skyway Stage 3 Elevated Expressway sa unang kwarter ng 2020, ayon kay Department of Transportation (DoTr) Road Sector consultant Alberto Suansing.

“Babawasan natin ang mga aberyang maaaring idulot ng proyektong ito,” dagdag pa niya.

Ang total closure ng tulay ay para sa mga motoristang daraan sa magkabilang dulo.

Samantala, magbubukas naman ng bahagi ng tulay para sa mga maliliit na sasakyan mula Valenzuela Street hanggang Beata Street at pabalik.

Ang mga trucks at trailers naman na lalabas at papasok sa Beata Street ay maaaring dumaan sa in Jesus Street, at Quirino Avenue Extension papunta sa destinasyon.

 

161

Related posts

Leave a Comment