(NI NOEL ABUEL)
IGINIIT ni Senador Christopher Bong Go na sa simula pa lamang ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay puspusan na ang papatupad nito ng mga reporma at pagbabago sa gobyerno at sa buong bansa.
Aminado ang senador na bagama’t marami na ang nagawa ng Pangulo ay marami rin ang hindi nito maisakatuparan dahil mayroong puwersa na humahadlang sa kanya.
Giit ni Go, mistula aniyang ayaw ng mga ito na magtagumpay ang mga programa ni Pangulong Duterte kabilang na ang mga mayayamang negosyante sa bansa.
Inihalimbawa nito ang kaso ng mga water concessionaires na ginigipit ang mamamayan sa pamamagitan ng suplay ng tubig na importanteng kailangan ng tao para mabuhay.
Iginiit nito na ayos lang naman sanang magpatupad ng kung anu-anong bayarin ang mga water concessionaires kung naibabalik nang maayos ang serbisyo ng mga ito sa sambayanan.
Ginagamit aniya ng mga mapagsamantalang negosyante ang tubig dahil walang magawa ang taumbayan kundi ang sumunod sa dikta ng mga water companies.
Hindi rin naiwasang kuwestiyunin ni Go ang mga kritiko ng Pangulo na mas pinili ngayong manahimik kaysa sa tulungan ang pamahalaan sa pagkuwestiyon sa mga hindi makatarungang kasunduan na napasok ng mga nakalipas na gobyerno sa mga water concessionaires.
184