SOLONS: PERA NG CHINESE SYNDICATE PINAPASOK, ‘NILILINIS’ SA PINAS

WALANG ibang ginagawa ang Chinese syndicate sa Pilipinas kundi linisin ang milyong dolyar na kinita nila sa kriminalidad kaya milyun-milyong dolyar ang pumapasok sa bansa sa pamamagitan ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at pagbili ng alahas saka ibabalik sa kanilang bansa.

Sa magkakahiwalay na panayam, sinabi ni Senate Minority Leader Frankln Drilon at Senador Panfilo Lacson na maraming dapat ipaliwanag ang Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Immigration (BI) kung nakapapasok sa bansa ang milyun-milyong halaga ng dolyar na dala ng Chinese nationals na hindi naidedeklara.

Sinabi ni Drilon na maaaring ipinasok ang milyong dolyar mula China sa operasyon ng POGO upang malinis na labag sa itinatakda ng Republic Act No. 10365 na inamyendahan ang Anti-Money Laundering Act, kaya kasali ang casino at iba pang uri ng gaming platforms.

“Ang presumption ng anti-money laundering act lalo na pagdating sa casinos, ay gagamitin ang casino sa mga money laundering scheme. Kaya sakop ang casinos at may obligation silang i-report kung saan nanggaling yung pera,” ayon kay Drilon sa interview ng DzBB.

“Kaya KYC, know your customer, dapat naman mayroon silang kakayahan,” dagdag niya.

Ayon naman kay Lacson na alinsunod sa itinakda ng batas, dapat inire-report sa Anti-Money Laundering Council ng BOC o BI ang pagpasok ng dolyar na lalampas sa katumbas na P500,000.

Pero, aniya, ang nangyayari, nakalulusot ang dolyares dahil may timbre mula sa itaas na kunwari, iimbestigahan ngunit ang tunay na nangyayari, inieskortan palabas ng airport.

“Kaso hindi ganoon (imbestigahan) ang nangyayari kasi nakatimbre na. Pagdating sa airport alam ng BI at BOC na ang taong yan may malaking halagang ipapasok at nang sa ganoon, may aalalay doon. Gawain nila riyan, modus operandi, ipapasok kunwari sa interrogation room kunwari may iimbestigahan pero actually ine-escort na nila palabas,” giit ni Lacson.

“Minsan ginagawa pa nga kunwari bibili ng alahas at iuuwi sa China tapos ibebenta uli. At lalabas doon, nalinis na nila ang pera,” dagdag pa ni Lacson sa panayam.

Samantala, sinabi pa ni Drilon na kapag napatunayan ng Financial Action Task Force na ginagamit ng Chinese syndicates ang Pilipinas bilang lugar na tagalinis ng maruruming pera, malamang umaksiyon ito na mayroon malaking epekto sa ating ekonomiya tulad ng remittances ng overses Filipino workers.

“Kawawa diyan yung mga OFW dahil sa tinatawag nating enhanced examination, kung saan maraming dokumento ang kakailanganin para lamang makapagpadala ng pera ang mga OFW sa Pilipinas,” paliwanag ni Drilon.

“At this stage, ang kailangang tingnan ‘yung compliance. Nandiyan yung batas. Pwedeng tawagin yung AMLC, yung BSP, yung PAGCOR. Ano ba ang kanilang ginagawa para magampanan ang kanilang tungkulin para imonitor lalo na yung POGO,” dagdag niya.

Para kay Drilon, dapat ipasara ang lahat ng POGO dahil walang nakikitang kontribusyon ito sa ating bansa kundi kriminalidad lamang.

TULOY SA PAGDATING

Samantala, ganito rin ang pananaw ng isang kongresista na posibleng ginagamit ng sindikato sa China ang kanilang mga kababayan para hugasan ang kanilang maruming pera sa Pilipinas at saka ibabalik sa kanilang bansa.
Nabuo ang hinala ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap dahil matapos niyang ibunyag ang nasabing operasyon ng sindikato noong nakaraang taon ay nagpatuloy ang pagdadala ng mga Chinese tourist ng pera na bilyon-bilyong na aniya ang halaga.

“Last year pa natin sinasabi itong impormasyon na nakuha natin pero hanggang ngayon nangyayari pa rin at mas lumalala. Ilang bilyon na ang pumasok sa ating bansa na hindi natin alam kung saan napunta,” ani Yap, chairman ng House committee on games and amusement.

Ayon sa mambabatas, male-maleta kung magdala ng pera ang mga Chinese tourist sa Pilipinas na idadahilan umano ay gagamitin sa pagsusugal sa mga casino sa Pilipinas.

“Yung iba, hindi naman talaga nila dini-declare sa form na sinasagutan nila sa Immigration. Pagkalagay sa form, anong kasunod? Wala na,” ayon pa sa mambabatas.

Dahil dito, kailangan aniyang maging aktibo ang AMLC upang masiguro na hindi maruming pera ang ipinapasok ng mga dayuhang turista sa Pilipinas at hindi ginagamit lang ang bansa bilang ‘hugasan”.

Isa sa mga kinatatakot ng mambabatas ay posibleng gamitin ang perang ipinapasok sa bansa para sa destabilisasyon kaya kailangang maging pro-active umano ang mga kinauukulan. ESTONG REYES, BERNARD TAGUINOD

256

Related posts

Leave a Comment