IPINATUPAD ni Senate President Vicente Sotto III ang restricted access sa buong Senado para i-disinfect matapos matuklasan na may isang COVID-19 positive na dumalo sa pagdinig ng Senate committee on basic education sa pamumuno ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian.
Sa pahayag, sinabi ni Sotto na walang katotohanan ang kumakalat na balita na nagkaroon ng lockdown sa Senado matapos mag-self quarantine sina Gatchalian at Senador Nancy Binay.
Bukod sa dalawang senador, nag-self quarantine din sina Senador Edgardo “Sonny” Angara, Panfilo Lacson, Francis Tolentino at Imee Marcos.
“I have issued a directive to the Senate Sergeant At Arms to put the Senate under Restricted Access, NOT a lockdown as the term lockdown has been misinterpreted and abused. Officials and their staff who have work to do and complete are required to report for work,” ayon kay Sotto.
Ayon kay Sotto, kanyang pinalinis ang buong Senado matapos ang pangyayari na nakapasok ang isang resource person sa ginanap na hearing na pawang positibo sa virus.
Inatasan din ni Sotto ang sinomang empleyado na may sintomas ng COVID-19 o sinuman na oumiyahe sa ibang bansa na may virus, na boluntaryong mag-self quarantine.
Sinabi naman nina Gatchalian at Binay na kanilang susundin ang panuntunan ng Department of Health (DoH) na mag-self quarantine kapag nagkaroon ng contact sa isang positibo sa virus.
Inatasan din ng dalawang senador ang kanilang staff na mag-self quarantine.
Nitong Marso 5, nagsagawa ng pagdinig ang naturang komite na pinamumunuan ni Gatchalian at kasama ang mga naturang senador sa deliberasyon na dinaluhan ng isang positibo sa virus.
Ayon naman kay Senador Grace Poe, kailangan nang magtulungan tayong lahat upang labanan ang paglaganap ng virus dahil walang nakikitang boundary ang sakit.
“We cannot simply watch and feel safe while the pandemic ripples across the globe,” aniya. ESTONG REYES
191 