SAKSI NEWS TEAM
NANAWAGAN si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II sa financial institutions tulad ng bangko na suspendihin muna ang paniningil ng mga bayarin ng kanilang mga kliyente ngayong nahaharap ang bansa sa sakit na coronavirus o COVID – 19.
“Tayo ay nananawagan sa mga bangko at financial institutions na pansamantalang suspendihin ang paniningil ng mga mortgage payments at bigyan ng palugit ang ating mga kababayan na naapektuhan ang kabuhayan at kita sa gitna ng global epidemic na ito,” banggit ni Marcos na kilala rin sa tawag na “BBM.”
“Ako rin ay nakikiusap na suspendihin ang paniningil ng bayad para sa mga utilities at iba pang mga regular na bayarin para sa mga naapektuhan ng virus.”
Ang tinutukoy ni BBM na utilities ay ang kuryente at tubig.
Ang panawagan ni BBM sa financial institutions tulad ng bangko at mga kumpanya na distribyutor ng kuryente at tubig ay paghikayat sa mga negosyante na higit na pagtuunan ng pansin ang pakikipagtulungan sa pamahalaan at publiko upang hindi dumami ang magiging biktima ng COVID–19 kaysa unahin ang makakabig nilang tubo mula sa mamamayan.
“Tayong lahat ay dapat humanap ng paraan upang matulungan ang isa’t isa sa panahon ng krisis na ito,” diin ni BBM.
Base sa ulat ng Department of Health (DOH), umabot na sa 49 kaso ng COVID– 19 sa bansa ang kanilang naitala hanggang nitong 12:00 ng gabi ng Miyerkoles.
Sa kasong ito, dalawa na ang namatay: isang Chinese at ang 67-taong gulang na Filipina.
Dahil sa mabilis na pagkalat ng sakit ay hinikayat ni BBM ang publiko na umiwas muna sa paglabas ng bahay kaya iminumungkahi rin niya ang “work from home” sa mga empleyado.
Sa Facebook, nanawagan si BBM sa mga employer na pahintulutan ang kanilang mga manggagawa na manatili muna sa bahay dahil isa ito sa mga posibleng mabisang paraan para maiwasan ang pagkalat ng virus.
“Isang paalala sa ating pribadong sektor na mayroon tayong Telecommuting Act na siyang basehan para sa ‘work from home’ na sistema. Isang alternatibong paraan para magampanan ang mga tungkulin sa trabaho gamit ang teknolohiya,” ayon pa sa dating senador.
Ipinaalala rin niya na tungkulin ng mga employer at ng pamahalaan na siguruhing maayos ang kalagayan ng mga manggagawa.
“Ang mga inisyatibong gaya nito ay dapat pag-aralan dahil katungkulan ng mga employer at mga nakatataas sa gobyerno na siguraduhing ligtas ang bawat manggagawang Pilipino,” aniya.
Kasabay nito ay hinikayat ni BBM ang publiko na ugaliin ang tamang paglilinis ng katawan at paghuhugas ng kamay. “Katuwang nito ang ating palagiang paalala na pagpapanatili ng malinis na pangangatawan at pagsuot ng face mask bilang mga pangunahing proteksiyon,” dagdag pahayag ni BBM.
“Ako ay nananalangin at umaasa na mapipigilan pa ang pagkalat ng sakit na ito.
Ngunit patuloy ang aking apela sa mga kinauukulan ng mabilis at agarang pag- aksiyon,” pagtatapos ni Marcos.
Kaugnay nito, hindi naiwasang hangaan ni BBM ang pagtugon ng pamahalaan ng Macau sa paglaban sa COVID-19.
Pinuri niya ang aksyon ng Macau government na inuna ang kapakanan ng mamamayan nito bago ang kita na naging daan din ng pagbagal ng pagkalat ng virus sa nasabing rehiyon.
Bagaman itinuturing na gambling capital, hindi aniya isinugal ng pamahalaan nito ang kaligtasan ng kanyang mamamayan.
Naging mabisang paraan umano ang pagpigil ng Macau sa pagtanggap ng mga turista, ilang araw matapos magsimulang kumalat ang virus.
Ipinatupad din sa nasabing rehiyon ang:
Una, i-block ang lahat ng pantalan o port mula mainland China sa loob ng ilang araw; inasikaso at isinailalim sa quarantine ang lahat ng residente bago bumalik sa Wuhan, China; nagtalaga ng isang hotel na siyang naging quarantine area; ipinasara ang lahat ng casino, business establishments, entertainment places, parke at mga paaralan sa loob ng labing-apat na araw; namahagi ng masks sa lahat ng mamamayan; nilibre ang bayarin sa tubig at kuryente sa loob ng tatlong buwan; sistematikong deklarasyon sa kalagayan ng kalusugan ng mamamayan sa pamamagitan ng report card araw-araw; tiniyak ng pulisya na hindi lumalabas sa kani-kanilang bahay ang mga residente sa loob ng labing-apat na araw; regular na pagpapalit ng mga produkto sa lahat ng supermarket/pamilihan upang hindi magkaroon ng panic buying ang mamamayan; ibinabalita sa publiko halos kada oras ang kalagayan ng COVID-19; may kaukulang parusa ang sinomang residente na hindi nagsusuot ng mask at hindi sumusunod sa direktiba ng pamahalaan; higit sa lahat, hindi nagpabaya ang pamahalaan ng Macau sa kanyang mamamayan at mga dayuhang turista.
Dapat aniyang matuto ang mundo mula sa mga pamamaraang ito ng Macau dahil makalipas ang isang buwan ay wala itong naitalang kaso ng naturang virus. NELSON S. BADILLA
323 