IBINIGAY ng Senado sa National Telecommunication Commission (NTC) ang isang resolusyon na humihiling sa ahensiya na bigyan ng provisional authority (PA) ang ABS-CBN upang magpatuloy ng operasyon.
Sa pahayag, sinabi nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Minority Leader Franklin Drilon na puwede nang magpatuloy ang operasyon ang ABS-CBN Corporation at kaalyadong kumpanya habang tinatalakay ng Kongreso ang prangkisa nito hanggang pagtatapos ng 18th Congress sa 2022.
Tinanggap ang resolusyon na pinagtibay nitong nakaraang linggo ni NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios matapos ang sesyon sa pagsasabing “ito na lamang ang aming kailangan upang maibigay ang provisional authority ng ABS-CBN.”
Nagpahinga ang Senado simula Marso 13 hanggang Mayo 4 na takdang araw ng pagpaso ng prangkisa ng ABS-CBN kaya inihayag ni Cabarios na nakatakda silang magbigay ng PA sa naturang araw.
Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring makakuha ng PA ang ABS-CBN kapag inaprubahan ng Kongreso ang isang concurrent resolution.
Nagbigay na ng pormal na kahilingan ang Mababang Kapulungan sa NTC na bigyan ng PA ang ABS-CBN upang mag-operate ngunit kinuwestiyon ito ng natalong kandidatong si Atty. Larry Gadon sa Supreme Court. (ESTONG REYES)
225 