INIUTOS na ng Department of Transportation (DOTr) ang pansamantalang pagbabawal sa pagbiyahe ng mga motorsiklo na may angkas sa layong hindi na lumaganap ang sakit ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Paliwanag ni DOTr Undersecretary Artemio Tuazon, bahagi ito ng umiiral na social distancing sa mga pampublikong sasakyan.
“Hindi puwede iyong mayroong backride sa mga motorsiklo. Isang tao lang po ang puwedeng isakay sa motorsiklo. Dikit na dikit po ‘pag magkaangkas sa motorsiklo. E di iyong paglipat po ng virus, malaki po ang pagkakataon na mangyari iyon,” dagdag nito.
Nauna na ring sinuspinde ng DOTr ang operasyon ng mga motorcycle taxi. Nilimitahan na rin ang dami ng mga pasahero sa taxi na dapat ay tatlo lamang habang kalahati ng kapasidad ang pupuwedeng isakay sa UV Express at mga pampublikong jeep. JG TUMBADO
195 