UMAKYAT na sa 12 ang bilang ng mga nasasawi sa COVID-19 habang nasa 140 ang nagpositibo.
Pinakahuling nasawi si patient 12 na residente ng Maynila at na-confined sa Makati City Medical Center nitong nakaraang Marso 7 pero nakumpirmang positibo sa virus noong Marso 9.
Walang travel history ang pasyente ngunit natukoy na may kontak siya sa ibang pasyente na positibo sa virus.
Namatay ang pasyente nitong Marso 15 dahil sa “Acute Respiratory Distress Syndrome secondary to COVID-19”.
Kaugnay nito, isang 13-anyos na babae naman mula sa Quezon City ang nadagdag sa talaan ng mga positibo sa COVID-19.
Na-admit siya sa Quezon City Health Department (reporting facility) at nagpositibo sa tests nitong Marso 15. Nag-umpisang makaramdam ng mga sintomas ang pasyente nitong Marso 4.
Sa datos pa rin ng DOH, umabot na sa 120 ang mga OFW na nagpositibo sa virus kabilang ang 80 sakay ng M/V Diamond Princess na galing sa Japan. RENE CRISOSTOMO
199 