7 POSITIBO SA COVID-19 SA CAVITE

CAVITE – Umakyat na sa pito ang bilang ng mga nagpositibo sa Corona Virus (COVID)-19 sa lalawigan ito, matapos ang ulat na isang 44-anyos na babae mula sa Dasmarinas City, ang dinapuan din ng nasabing sakit.

Sa kanyang facebook account, sinabi ni Governor Jonvic Remulla na ang pang-7 kaso ng COVID sa Cavite ay kasalukuyang ginagamot sa Research Institute of Tropical Medicine ( (RITM).

Samantala, idineklara naman ng Department of Health (DOH) na nakarekober sa sakit ang kauna-unahang naitalang positibo sa COVID-19 sa Cavite.

Sa DOH COVID-19 Case bulletin #005, inanunsiyo na ang pang-walo sa nakarekober sa sakit ay si PH20 na 48-anyos na seaman galing sa bansang Japan.

Marso 7, 2020 nang i-admit siya sa RITM at doon nga nakumpirmang positibo siya sa COVID-19 disease.

Pero tuluyan umano itong gumaling at nakalabas na ng ospital matapos na dalawang ulit na mag-negative ang kanyang swab test.

Kabilang sa mga nagpositibo sa COVID-19 sa Cavite ang isang seaman (nakarekober na), isang medical practitioner , isang 25-anyos na babae sa Dasmarinas City na naka-confine sa Taguig, isang 64-anyos na taga-Imus na naka-confine sa Pasig;  isang 48-anyos na lalaki sa Bacoor City at isa pang 48-anyos mula sa Tanza at ang 44-anyos na babae mula sa Dasmarinas City. (SIGFRED ADSUARA)

 

176

Related posts

Leave a Comment