NAGPAHAYAG ng pangamba ang isang mambabatas na mas lalala pa ang pagkalam ng sikmura ng mga Filipino sa posibleng kakapusan sa bigas na mararanasan sa bansa matapos ang COVID-19 pandemic.
Ito ang babala ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas matapos ianunsyo ng Vietnam na kinakansela na nito ang lahat ng rice exportation upang masiguro ang kanilang sariling food security.
Ayon sa mambabatas, karamihan sa mga bigas na inaangkat ng Pilipinas ay galing sa Vietnam at sa katunayan, noong nakaraang taon aniya, umaabot sa 2.3 million metric tons ang mula sa nasabing bansa.
Mistulang ito na aniya ang sumpa ng Rice Tariffication Law na ipinatupad ng gobyerno noong nakaraang taon kung saan imbes na tutukan ang sariling supply ay inasa sa ibang bansa ang kinakain ng mga Filipino.
“We have repeatedly warned about the implications of the Rice Liberalization Law. Because of our dependence on rice imports, we are now at the risk of facing a rice crisis on top of the COVID-19 pandemic and lockdown. Talagang gutom ang aabutin ng milyun-milyong Pilipino,” ani Brosas.
Dahil dito, kailangan aniyang kumilos agad ang gobyerno para paunlarin ang agrikultura sa bansa at nang hindi na aasa ang bansa sa supply ng bigas mula sa ibang bansa. BERNARD TAGUINOD
329
