PINAIIMBESTIGAHAN na ng Malakanyang ang ulat na nakararanas ng diskriminasyon, harassment at pananakit ang ilang frontliners lalo na ang mga health worker sa harap ng ginagawang sakripisyo para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease sa bansa.
Paalala ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, dapat tratuhin nang maayos ang mga frontliner na nagsasakripisyo para sa kaligtasan ng mga Filipino sa halip na pangilagan at saktan ang mga ito.
Ani CabSec Nograles, pinakilos na ng Malakanyang ang mga naiulat na insidente ng harassment at diskriminasyon para maparusahan ang mga gumagawa nito.
“Yung umatake sa isang frontliner natin ay pinaiimbestigahan na ng administrasyon at sana sa lalong madaling panahon ay mabigyan ng hustisya yung nabiktima,” ayon kay CabSec Nograles.
Kabilang sa mga harassment at discrimination na naranasan ng health workers ay ang pagsasaboy ng clorox sa isang nurse matapos mag-duty sa ospital, hindi pagpapapasok sa mga ito sa kanilang boarding house at condo unit, pati na rin sa isang doktor na ayaw papasukin sa kanilang subdivision dahil sa takot na mahawa umano ang mga residente sa COVID-19.
Kaya, umapela ang Department of Health (DOH) at ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa publiko na huwag i-discriminate ang health workers at sa halip ay mahalin ang mga ito dahil itinataya ng mga ito ang kanilang buhay at kaligtasan para maisalba ang sambayanan laban sa peligro ng COVID-19. CHRISTIAN DALE
206
