P8K CASH, P1,500 FOOD PACKS TINIYAK NI PDUTERTE

EKSAKTONG P5,000 hanggang P8,000 cash ang ipamimigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa bawat pamilya ng 18,000 mahihirap na pamilyang Filipino.

Iba pa ang P1,500 halaga ng food packs, banggit ni DSWD Secretary Rolando Bautista sa media makaraang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkoles ng gabi na DSWD na ang “solong mamamahagi” ng tulong-pinansiyal at pagkain sa mga apektado ng coronavirus  disease – 2019 (COVID – 19).

Kakambal sa nasabing utos, tinanggal ni Duterte sa local government units (LGUs) ang karapatan at papel sa pamamahagi ng ayuda sa mamamayan dahil marami siyang natanggap na reklamo laban sa mga alkalde tulad ng kulang ang nakararating na ayuda at sa masahol ay walang tulong na ipinarating simula nang ipatupad ang “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Luzon noong Marso 16.

Idiniin ni Duterte na tiyakin ng DSWD na makarating ang P5,000 hanggang P8,000 at iba pang tulong sa 18 milyong mahihirap na mga pamilya sa buong bansa sa loob ng dalawang buwan.

Ani Bautista, ang P1,500 na halaga ng food relief ay hindi ibabawas sa P8,000.

Kaya, ang pinakamataas na makukuha ng mahihirap na pamilya ay P9,500 lahat kada buwan sa loob ng dalawang buwan.

Ngunit, iyan ay nakalaan sa mga naninirahan sa National Capital Region (NCR), samantalang ang iba ay P6,500 cash tulad sa Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), paglilinaw ni Bautista.

Pitong rehiyon naman ang makatatanggap ng P5,000 cash, tulad ng Rehiyong 12, CARAGA at BARMM dahil umaabot sa P320 hanggang P326 lamang ang arawang sahod ng mga manggagawa sa mga rehiyong ito.

Nabatid ng Saksi Ngayon na kung nakatanggap na ng P5,000 mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) o pampinansiyang ayuda mula sa DSWD dahil bahagi sila ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay dadagdagan nalang ang ayuda upang mabuo ang P5,000 hanggang P8,000 cash. NELSON S. BADILLA

187

Related posts

Leave a Comment