TINIYAK ni Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President retired Gen. Ricardo Morales na walang anomang dapat bayaran ang pagpapagamot ng isang COVID positive individual.
Ani Morales, sasagutin lahat ng PhilHealth ang gastos base na rin sa itinatakda ng Bayanihan to Heal as One act.
Aniya, umiiral ang ‘no balance policy’ sa ilalim ng Bayanihan Act at lagi nila itong ipinapaalala sa mga administrador ng mga pagamutang accredited ng PhilHealth.
Tinatayang, nasa 5,000 ospital aniya sa buong bansa ang may accreditation ng PhilHealth.
Sa kasalukuyan, ani Morales ay nasa anim na bilyong piso na ang nailalabas na claim mula sa 30 bilyong pisong pondo para sa mga pagpapagamot sa mga magpopositibo sa coronavirus disease.
Batay sa coverage ng PhilHealth, nasa higit P43,000 ang ipopondo nila para sa mga may mild pneumonia, mahigit P143,000 para sa may moderate pneumonia, mahigit P333,000 sa mga severe at para sa mga may critical stage pneumonia ay aabot ang kanilang pondo sa P786,000. CHRISTIAN DALE
164
