DOMINGUEZ INUPAKAN SA DEBT MORATORIUM

HINDI nasiyahan si Senador Imee Marcos sa pagtanggi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na magpatupad ng debt moratorium upang magamit ang pondo sa pagsugpo ng coronavirus 2019 (COVID-19).

Sa pahayag, nilinaw ni Marcos na ang pagpapatupad ng debt moratorium ay hindi panunuba o pagtalikod ng utang kundi pansamantalang pagpapatigil ng bayarin ng bansa dahil sa malaking problemang kinakaharap sa COVID-19.

Ayon kay Marcos, malinaw ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung kinakailangang magmakaawa at manghiram ay gawin para mabigyang solusyon ang kasalukuyang malaking problemang kinakaharap ng Pilipinas.

Sinabi pa ni Marcos na mismong ang International Monetary Fund (IMF) ang nagsabing mahalaga ang debt moratorium kung ang isang bansa ay may kakulangan sa pagkukunan ng pondo at may mahinang health care system para magkaroon ng pagkakataong makabangon sa nasabing global crisis.

“We will honor our financial obligation pero sa ngayon debt moratorium muna tayo.

Hindi tayo balasubas. Kailangan natin ng pera para ipamigay sa taongbayan.

Nagugutom sila!” pahayag pa ni Marcos. ESTONG REYES

182

Related posts

Leave a Comment