PINAGDUDAHAN ng tatlong beteranong lider-manggagawa ng malalaking organisasyon ng mga manggagawa sa bansa ang inilabas sa media ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mahigit 1.4 milyong manggagawa sa “formal sector” (regular at kontraktuwal) ang nawalan ng sahod dahil natigil ang kanilang mga trabaho habang pinaiiral ang enhanced community quarantine sa Luzon at community quarantine sa maraming lalawigan sa Visayas at Mindanao.
Sa online interview kay Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM), masyadong maliit ang 1,428,841 manggagawang nawalan ng trabaho na inihayag ni Bello sa media.
Idiniin ni Fortaleza na 29 milyon ang mga manggagawa sa formal sector batay sa ulat nitong Enero ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Bello, ang mahigit 1.4 milyon ay batay sa ulat ng mga pangrehiyong tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) mula Luzon hanggang Mindanao nitong Abril 11.
Nagmula ang bilang na ito sa 52,993 kumpanyang nagsara, banggit pa ni Bello.
Sabi ng kalihim, nitong Abril 11 ay umabot sa kabuuang 1,048,649 manggagawa ang nawalan ng trabaho.
Nadagdagan ito ng 280,192, kaya naging mahigit 1.4 milyon ang mga sahurang manggagawa na natigil ng hanapbuhay hanggang Abril 13, patuloy ni Bello.
Sabi naman ni Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) at tagapangulo ng Nagkaisa labor Coalition, sa hiwalay na online interview, higit pa sa 1.4 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho.
Ani Matula, ang banggit sa kanya ng mga lider ng unyong kasapi sa FFW ay “marami pang hindi naiuulat sa DOLE.”
“Ang liit ng bilang [ng DOLE], samantalang total lockdown tayo. Hindi ba isinama [ni Bello] ang employed na mga manggagawa sa 96% under Micro, Small and Medium enterprises na halos lahat ay shutdown?,” birada ni Leody de Guzman, tagapangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), nang hingin ng reporter na ito ang kanyang pananaw sa isyu.
Sa kalatas ng PM nitong Abril 13, ipinaliwanag ng tagapangulo ng partido na si Renato Magtubo na: “as of January this year, 65.2% of employed persons are wage and salary workers. This is equivalent to 28 million workers in the formal sector out of the 42.6 million employed persons throughout the country.”
“One million is just 3.57% of the 28 million wage workers. That means, more than 90% of our workers in the formal sector are not yet affected by the one-month lockdown,” wika ni Magtubo.
Kumbinsido ang mga namumuno sa PM na sadyang pinaliit ng DOLE ang bilang ng mga manggagawang nawalan ng trabaho ngayong mayroong COVID-19 upang pagkasyahin ang perang ipamimigay ng DOLE. NELSON S. BADILLA
242 